top of page
Lakam Chiu at Kim Chiu - IG.jpg

Battle-for-gold na si Saclag, Alvarez, sinungkit ang bronze

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
2 min read

by Gerard Arce @Sports News | September 21, 2026



BRONZE medalist ang women's team ng soft tennis sa Asian Games. (pocmedia)

Photo: Si Alvarez sa kanyang laban vs. Kazakhstan. (pocmedia)



Matinik na diskarte kaakibat ang matinding mga bira ang pinakawalan ni Team Lakay fighter Jean Claude Saclag upang umusad patungo sa Finals ng Men’s Traditional under-65kgs kontra hometown bet Daisuke Murayama sa iskor na 3-0 upang makasiguro ng pilak na medalya, habang bronze medalist na si Carlos “Limitless” Alvarez sa Men’s under-77kgs division sa Mixed Martial Arts event ng 20th Aichi-Nagoya Asian Games na ginaganap sa Nagoya City Inae Sports Center sa Japan.


Nagawang iwasan ng 3-time Southeast Asian Games gold medalist ang ground at grappling strategy ng Japanese fighter na si Murayama, na isang dating Judoka at kasalukuyang Jiujitsu specialist at Sambo fighter, na beterano din ng mga amateur at professional MMA fights, sa kanilang semifinal matchup.


Bilang game plan ay pinanatili ng 31-anyos na Igorot fighter ang kanyang laban sa standing position, bilang isang fighter ng Sanda at Kickboxing, minarapat nitong huwag bigyan ng pagkakataong dalhin ni Murayama ang laban sa grappling position.


“Kailangan keep natin yung distance, saktan natin siya, tapos depensahan natin yung takedowns niya, siguradong mananalo tayo, kase magaling siya sa grounds, kita naman sa laro niya kahapon,” pahayag ng 2014 Sanda World Cup champion sa panayam ng One Sports.


May pagkakataong makalaban muli sa Finals sa Asian Games si Saclag, na minsang nabulilyaso sa championship match noong 2014 Incheon meet sa men’s Sanda under-60kgs sa larong wushu ng talunin ng 2015 World champion na si Kong Hongxing ng China.


Nakatakdang makatapat ng 2026 Tashkent Asian Championship gold medalist si Otabek Rajabok, na tinalo naman si Sanzhar Adilov ng Kazakhstan sa iskor na 3-0.


Makukunsidera namang matikas ang 23-anyos na Tajik fighter na undefeated sa pro-fight na 6-0 sa Japanese MMA Promotions na Pancrase, habang may impresibong amateur bouts na 17-1.


“Sanay naman tayo lumaban sa Finals kaya mas lalo akong na-inspire, iba parin ‘to. Asian Games ‘to eh,” wika ni Saclag sa parehong panayam, na nakatakdang sumalang ngayong Martes sa Finals sa ganap na alas-2:47 ng hapon sa parehong venue.


Ibinigay naman 27-anyos ONE Championship lightweight fighter na si Alvarez ang ikalawang tansong medalya ng Pilipinas matapos makuntento kontra Yerkingali Burkutalin ng Kazakhstan sa iskor na 0-3.


Nauna ng hindi pinalad ang nag-iisang pambato ng Pilipinas sa women’s division na si Gina Inong-Araos matapos matalo kay Kanjutha Phattaraboonsorn ng Thailand sa iskor na 0-3 sa Women’s Modern under-54kgs category nitong Linggo ng hapon para sa tatlong kinatawan ng bansa sa MMA.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page