by Gerard Arce @Sports News | June 20, 2026

Photo: Mabilisang tumirada ng pag-atake si #13 Anja Zubic sa harap ng depensa ng katunggaling si Paola Isabel ng Dominican Republic sa mahigpitang tagpo nila para pagpapatuloy ng aksyon sa Women's Volleyball Nations League sa Philsports Arena kahapon. (Reymundo Nillama)
Mga laro ngayong Sabado
(Philsports Arena, Pasig City)
4 pm – USA vs Italy
8 pm – Japan vs Dominican Republic
Hinambalos ng World No. 9 Serbia ang unang panalo sa Philippine leg kasunod ng kambal na 5th-setter na pagkatalo para walisin ang kulelat na Dominican Republic na nagtapos sa 25-19, 25-23, 25-18, kahapon sa Volleyball Nations League sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Matapos ang dalawang masaklap na pagkabigo laban sa undefeated na Japan sa 25-20, 24-26, 25-18, 30-32, 7-15 at reigning champion at world No.1 Italy sa 14-25, 15-25, 25-18, 25-21, 12-15, sa wakas ay nakakita ng tagumpay ang Serbian team sa pangunguna ng 21-anyos na star player Anja Zubic para umangat sa 2-5 win-loss kartada sa event na prinisinta ng Philippine Sports Commission.
Bumira ang 6-foot-1 outside hitter ng 16 puntos kasama ang 8 excellent digs, na sinegundahan ni Nina Cajic sa 13 puntos para sa nagtapos ng doble pigura sa 18-nation meet. Nagawa ring mag-ambag nina Branka Tica sa 9 puntos, tig-6 na puntos nina Hena Kurtagic, at team captain Maja Aleksic na sunod na makakalaban ang 3-time titlists na U.S. sa Linggo ng 12:00 ng tanghali.
Bumida sa Dominican Republic si Geraldine Sthefany Gonzalez na may matibay na 5 blocks at 6 take para sa 11 puntos, na sunod na makakalaban ang Czechia sa Linggo ng 4 p.m. Ang mangungunang 8 koponan pagkatapos ng tatlong linggo sa nine-leg preliminary stage ay uusad sa final sa Macau, habang ang world No.2 Brazil ay naglalaro sa Ankara (Turkiye) leg, tangan ang unbeaten na anim na panalo.
Tanging ang Japan, ang may undefeated marka sa 5-0, habang patuloy na naghahanap ng unang panalo ang No. 12 Dominican Republic sa 0-7 kartada sa International Volleyball Federation (FIVB).

