Endo at pakyawan wakasan na, mga manggagawa, bigyang-prayoridad
- BULGAR

- 5 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | April 25, 2026

Hanggang kailan magtitiis ang manggagawang Pinoy sa sistemang paulit-ulit na pumipigil sa kanila para umasenso?
Ito ang matinding mensaheng lumutang matapos talakayin sa Senado ang mga panukalang tuluyang magbabawal sa “endo” o ilegal na labor contracting.
Sa gitna ng papalapit na Labor Day, malinaw na marami pa ring empleyado ang walang tunay na dahilan para magdiwang kung kontraktuwal pa rin ang trato sa kanila, kulang ang benepisyo, at hindi sigurado ang kinabukasan sa trabaho.
Sa pagdinig kahapon, iginiit ng isang mambabatas na hindi dapat puro selebrasyon ang Labor Day kung laganap pa rin ang mapagsamantalang gawain tulad ng “5-5-5” at “pakyawan” system.
Ang “5-5-5” ay tumutukoy sa pagkuha ng empleyado sa loob lamang ng limang buwan upang hindi ito ma-regular. Kapag malapit nang makumpleto ang panahong iyon, tinatanggal ang manggagawa at pinapalitan ng bago. Samantala, sa “pakyawan,” pinipilit ang laborers na magtrabaho nang halos 16 oras para lamang makuha ang minimum wage.
Ipinunto rin na ang mismong pag-inspeksyon sa ilang manufacturing companies sa Metro Manila ay lumutang ang hinaing ng mga empleyado. Marami umano ang walang natatanggap na benepisyo, may overtime na hindi binabayaran, at nalalagay pa sa panganib dahil sa hindi ligtas na lugar na pinagtatrabahuhan.
Ito ang klase ng realidad na direktang sumasakal hindi lang sa manggagawa kundi pati sa kanilang pamilya na umaasa sa arawang kita. Kapag gipit ang empleyado, damay ang pagkain sa hapag, matrikula ng anak, at panggastos sa gamot.
Hinimok din ng Senador ang Department of Labor and Employment (DOLE) na sibakin at sampahan ng kaso ang mga labor inspector na nakikipagsabwatan sa kumpanya at binabalewala ang paglabag sa batas.
Mahalaga ito dahil walang saysay ang magagandang polisiya kung mismong nagpapatupad ang bulag o kasabwat. Sinabi naman ng isang opisyal ng ahensya na gagawin ng kagawaran ang lahat upang habulin ang mga tiwali at incompetent inspectors.
Hindi lang ito usapin ng trabaho kundi usapin ng dignidad. Hindi dapat ituring na disposable ang tao matapos pakinabangan ng limang buwan. Ang manggagawa ang nagpapatakbo sa pabrika, opisina, mall, transportasyon, at iba pang negosyo. Kung sila ang pinapahirapan, humihina rin ang kabuhayan ng buong bansa.
Ang tunay na diwa ng Labor Day ay hindi tarpaulin o seremonya. Ito ay makatarungang sahod, seguridad sa trabaho, ligtas na workplace, at respeto sa bawat pawis na ibinubuhos ng mamamayan. Kapag natuldukan ang “endo,” saka lamang masasabing may saysay ang pagdiriwang para sa taumbayan.




Comments