Edukasyon, hindi dapat pribilehiyo kundi karapatan ng bawat kabataan
- BULGAR

- May 14
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | May 14, 2026

Hindi ba’t malaking ginhawa sa ordinaryong pamilya kapag mismong gobyerno na ang gumagawa ng paraan para hindi maputol ang pag-aaral ng mga kabataan dahil lang sa pera?
Sa gitna ng sunud-sunod na taas-presyo ng bilihin, pamasahe, renta, at school expenses, maraming estudyante ang napipilitang huminto o magtrabaho nang maaga.
Kaya para sa marami, magandang hakbang ang pag-apruba ng Senado sa panukalang magpapalawak sa ayuda para sa college at technical-vocational students, lalo na sa mga kapos sa buhay at kabilang sa mga sektor na madalas mapag-iwanan.
Inaprubahan ng Senado sa botong 21-0-0 ang Senate Bill No. 1894 na layong palakasin ang implementasyon ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act o Republic Act No. 10931. Pinangunahan ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang panukala na magbibigay ng mas malawak na benepisyo sa ilalim ng Tertiary Education Subsidy o TES program.
Isa sa pinakamahalagang bahagi ng panukala ay ang awtomatikong kwalipikasyon ng mga mag-aaral mula sa pamilyang kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps kapag nakapasa sila sa mga paaralang kinikilala ng CHED at TESDA.
Ibig sabihin, mababawasan ang hirap ng mga estudyanteng dati’y kailangang maghabol pa ng requirements bago makatanggap ng suporta mula sa gobyerno.
Pinalawak din ng panukala ang saklaw ng mga itinuturing na “disadvantaged learners.” Kasama na rito ang persons with disabilities, indigenous peoples, solo parents at kanilang dependents, foster care children, first-generation college students, learners in conflict with the law, at mga estudyanteng mula sa malalayong lugar. Bukod dito, hindi na lang tuition at miscellaneous fees ang matutulungan kundi pati pamasahe, libro, dormitoryo, laptop o computer, disability-related expenses, at maging gastusin sa board exams at clinical internships ng nursing at allied health students.
Para sa akin, malinaw na hindi sapat ang “libreng tuition” kung wala namang pambili ng pagkain, pamasahe, at gamit sa eskwela. Marami ang nakakapasok sa kolehiyo pero hirap namang makatapos dahil sa pang-araw-araw na gastusin. Kaya mahalaga ang bagong direksyon ng panukala dahil mas inuuna nito ang tunay na pangangailangan ng estudyante kaysa simpleng pangakong libre ang pag-aaral.
Ipinapakita ng hakbang na ito na mas lumalawak ang pagtingin ng gobyerno sa edukasyon bilang puhunan para makaahon ang mga pamilya sa kahirapan. Kapag mas maraming kabataan ang nakapagtapos, mas malaki rin ang posibilidad na magkaroon sila ng disenteng trabaho at makatulong sa ekonomiya. Gayunman, hindi sapat ang pagpasa lang ng batas. Kailangang siguraduhin na magiging maayos, mabilis, at patas ang pagpapatupad nito upang hindi mauwi sa pangako lamang.





Comments