top of page
TEKA NGA - KATHRYN, OBYUS NA WALA NANG GANANG UMARTE-FB Netflix.jpg

Patuloy na suporta sa ARAL Program

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 3, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nitong nakaraang linggo, iniulat ng Department of Education (DepEd) ang resulta ng isang pag-aaral na sumuri sa resulta ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.


Kung ating babalikan, layunin ng programang ito na maghatid ng libreng tutorial para sa mga mag-aaral nating nahuhuli pagdating sa pag-unawa ng kanilang mga aralin, kabilang ang mga nahihirapang bumasa.


Ayon sa impact evaluation na isinagawa ng nonprofit organization na Youth Impact, sa tulong ng World Bank at DepEd, maraming mag-aaral ang natulungan ng ARAL Program.


Lumabas sa pag-aaral na para sa School Year (SY) 2025–2026, bumaba ang bilang ng struggling readers o mga mag-aaral na nahihirapang bumasa ng 4.5 milyon sa 2.2 milyon mula 6.7 milyon.Ipinakita rin ng naturang pag-aaral na tumaas sa 5.8 milyon mula 3.3 milyon ang bilang ng mga mag-aaral na may grade-level reading readiness.


Ibig sabihin, katumbas na ng kanilang kakayahang bumasa ang susunod na baitang na kanilang tutungtungan. Nagtala rin ang naturang evaluation ng siyam na percentage points na pagbaba ng bilang ng mga mag-aaral na nahihirapang bumasa, katumbas ng 1.37 milyong karagdagang mag-aaral na nakaalis sa kategorya ng struggling reader.


Natuklasan din sa evaluation ang 4.8-percentage-point na pagtaas ng grade-level proficiency, kung saan 730,000 pang mag-aaral ang nakaabot sa grade-level reading proficiency.Bilang pangunahing may akda at sponsor ng ARAL Program Act (Republic Act No. 12028) na nagtatag sa programang ito, ikinagagalak ng inyong lingkod na nakakamit na natin ang ating layunin na matulungan ang mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong at matiyak na makakahabol sila sa pag-unawa ng kanilang mga aralin.


Sa ganitong paraan, napapatatag natin ang pundasyon ng ating mga mag-aaral. Kung magpapatuloy tayo sa pagtulong at pag-abot sa mga mag-aaral na nangangailangan ng tulong, unti-unti rin nating masusugpo ang krisis sa edukasyon na hinaharap ng bansa.Inaasahan nating sa pagwawakas ng SY 2026-2027, makikita natin ang mas malawak na epekto ng ARAL Program.


Matatandaang sa ilalim ng 2026 national budget, P8.96 bilyon ang inilaan natin para sa pagpapatupad ng programang ito. Inaasahang 6.7 milyong mag-aaral sa reading at 8.08 milyon sa math ang matutulungan natin.


Saklaw din ng pondong ito ang pag-hire ng 440,000 na mga tutor. Kaya naman sa pagtalakay sa 2027 national budget, makakaasa ang ating mga kababayan na patuloy nating susuportahan ang mas matatag na pagpapatupad ng ARAL Program. Kung tuloy-tuloy ang maayos nating pagpapatupad ng programang ito, matitiyak nating walang mag-aaral ang mapag-iiwanan pagdating sa kaalaman at kakayahan. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page