top of page

Edukasyon, hindi dapat dagdag-pahirap sa mga Pinoy

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 9 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | May 1, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Mabuti na lang at sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilihin at hirap ng pamumuhay, pinili ng Commission on Higher Education (CHED) na unahin ang kapakanan ng mga estudyante kaysa sa kita ng mga institusyon. 


Ang desisyong ipagpaliban muna ang pagtaas ng matrikula ay isang malinaw na pagkilala sa kasalukuyang realidad na pinagdaraanan ng maraming pamilyang Pilipino.


Sa kabila ng mga kahilingan mula sa ilang higher education institutions (HEIs) na magtaas ng tuition dahil sa tumataas na gastos sa operasyon, nanindigan ang CHED sa panawagan nitong huwag muna itong ipatupad. 


Ayon sa isang opisyal ng nasabing ahensya, nauunawaan umano nila ang pangangailangan ng mga paaralan na mapanatili ang kalidad ng edukasyon, ngunit mas mahalagang isaalang-alang ang kakayahan ng mga magulang at estudyante na magbayad sa panahong matindi ang krisis pang-ekonomiya. Sa halip na agarang pag-apruba, hinikayat ang mga institusyon na ipagpaliban ang kanilang plano, at positibo namang tinanggap ito ng karamihan.


Ang hakbang na ito ay hindi lamang administratibong desisyon kundi isang makataong tugon sa lumalawak na agwat sa pagitan ng gastusin at kita ng ordinaryong mamamayan. 


Sa kasalukuyan, maraming pamilya ang nahihirapang tustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan, kaya’t ang anumang dagdag sa matrikula ay maaaring magdulot ng pag-atras ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral. Sa ganitong konteksto, ang pagpigil sa tuition increase ay nagsisilbing proteksyon laban sa mas malalang epekto ng kahirapan sa sektor ng edukasyon.


Gayunpaman, hindi rin dapat ipagsawalang-bahala ang sitwasyon ng mga paaralan. Ang pagtaas ng operational costs—mula sa pasahod ng guro hanggang sa maintenance ng pasilidad—ay tunay na hamon. Kaya’t mahalaga ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng CHED sa mga HEIs upang makahanap ng balanseng solusyon na hindi isinasakripisyo ang kalidad ng edukasyon habang pinangangalagaan ang kakayahan ng mga estudyante na makapagpatuloy sa pag-aaral.


Ang desisyong ito ay sumasalamin sa mas malawak na pananagutan ng pamahalaan na tiyakin na ang edukasyon ay nananatiling abot-kaya at inklusibo. Ipinapakita nito na sa panahon ng krisis, ang tunay na sukatan ng pamumuno ay ang kakayahang makiramay at umaksyon para sa nakararami. 


Sa ganang akin, mahalagang tandaan na ang edukasyon ay hindi lamang serbisyo kundi karapatan—at ang pagpapanatili nitong abot-kaya ay isang hakbang tungo sa mas makatarungan at pantay na lipunan. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page