E-wallet sa pamimigay ng ayuda, mas safe kaysa pumila
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | April 22, 2026

Dapat lang naman na baguhin ng gobyerno ang sistema ng pamamahagi ng ayuda kung kapalit nito ay kaligtasan ng mamamayan.
Hindi dapat may namamatay para lang makuha ang subsidiyang inilaan para sa mga naghahanapbuhay. Ang trahedyang sinapit ng isang rider na nasawi habang nakapila sa payout center sa Quezon City ay malinaw na paalala na kailangang unahin ang maayos, mabilis at makataong serbisyo sa publiko kaysa sa lumang paraang puno ng abala at panganib.
Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ililipat na sa e-wallet transfers ang pamamahagi ng cash aid para sa mga benepisyaryo ng fuel subsidy program. Ayon sa isang opisyal, ang mga susunod na payout para sa mga transport network vehicle service (TNVS) drivers at motorcycle taxi riders ay diretso nang ipapasok sa kanilang digital wallets upang hindi na sila kailangan pang pumila nang matagal sa payout centers.
Ang desisyong ito ay kasunod ng malungkot na insidente kung saan isang rider ang binawian ng buhay habang naghihintay sa payout site. Sa halip na tulong ang maramdaman, pagod, init at peligro ang inabot ng ilang naghahabol ng ayuda. Kaya tama lamang na gumawa agad ng hakbang ang pamahalaan upang hindi na ito maulit.
Nilinaw din na ang listahan ng mga tatanggap ng subsidiya ay mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Ito umano ang basehan upang matiyak na lehitimong drivers lamang ang makikinabang sa programa. Mahalaga ito upang maiwasan ang anomalya, dobleng pangalan, at pagpasok ng mga hindi kwalipikado.
Personal ding nagtungo ang kalihim sa pamilya ng nasawing rider upang makiramay at magbigay ng medical assistance, burial aid at iba pang pangangailangan. Magandang hakbang ito, ngunit mas mahalaga pa rin sana kung naagapan ang sitwasyon bago pa nauwi sa trahedya.
Ang usaping ito ay higit pa sa simpleng payout system. Ito ay tungkol sa respeto sa oras, dignidad at buhay ng ordinaryong manggagawa. Ang mga rider at driver ay araw-araw nakikipagsapalaran sa kalsada para may maiuwi sa pamilya. Hindi makatarungang dagdagan pa sila ng hirap sa pagkuha ng tulong na para naman sa kanila.
Ipinakita ng pangyayaring ito na kailangan nang pabilisin ang modernisasyon ng serbisyo publiko. Kung kaya namang idaan sa teknolohiya ang ayuda, bakit pa paghihintayin sa pila ang mga tao. Ang tunay na malasakit ay hindi lang nasa pagbibigay ng pera kundi sa paraang ligtas, maayos at makatao. Kapag natuto ang gobyerno sa ganitong trahedya, may saysay ang sakit na pinagdaanan ng pamilya ng rider at magsisilbi itong aral para hindi na maulit sa iba.




Comments