top of page

Digital literacy at gabay ng magulang, mas epektibo kaysa total ban sa social media

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | April 16, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Kung tutuusin, mas madaling magbawal kaysa magturo, pero hindi ibig sabihin na tama agad ang pagbabawal. 


Sa usapin ng social media para sa mga menor-de-edad, malinaw na mas kailangan ng bansa ang matinong regulasyon kaysa padalus-dalos na total ban. 


Kung ang layunin ay protektahan ang kabataan, dapat ang solusyon ay may balanse, may direksyon, at may paggalang sa realidad ng makabagong panahon.

Iginiit ng consumer advocacy group na CitizenWatch Philippines na hindi tamang sagot ang lubusang pagbabawal sa social media access ng mga menor-de-edad. 


Ayon sa isang opisyal, maraming aspeto ang maaaring hindi masaklaw ng total ban at posibleng magdulot pa ito ng bagong problema. 


Sa halip na masolusyunan ang panganib online, baka lalo lamang nitong itulak ang kabataan sa lihim o hindi gabay na paggamit ng internet.


Dagdag pa niya, hindi dapat ilayo ang kabataan sa digital world dahil bahagi na ito ng edukasyon, oportunidad, komunikasyon at pang-araw-araw na pamumuhay. Totoo naman ito. 


Sa panahon ngayon, hindi lang libangan ang social media. Dito kumukuha ng impormasyon ang estudyante, naghahanap ng scholarship, natututo ng bagong kasanayan, at nakikipag-ugnayan sa pamilya at kaibigan. 


Kung basta ipagbabawal ito, para na ring pinutulan ng access ang kabataan sa isang malaking bahagi ng modernong lipunan.


Sa Kongreso, may 10 panukala sa Kamara at lima sa Senado na nagsusulong ng social media ban para sa minors, na hango umano sa mga hakbang ng Indonesia at Australia.


Ngunit hindi porke ginawa ng ibang bansa ay awtomatikong akma na rin sa Pilipinas. 

Iba ang kalagayan ng bawat bansa pagdating sa internet access, antas ng edukasyon, kakayahan ng magulang sa digital supervision, at implementasyon ng batas.


Maging ang mga global child rights experts, kabilang ang UN Committee on the Rights of the Child, ay nagsasabing dapat nakatuon ang online safety measures sa pagbawas ng exposure sa harmful content habang pinananatili ang benepisyo ng digital engagement para sa kabataan. Mas makabuluhan ito kaysa simpleng pagbabawal na madaling ipahayag pero mahirap ipatupad.


Ang tunay na kailangan ay mas mahigpit na age verification, responsableng content moderation, digital literacy sa paaralan, at mas aktibong paggabay ng magulang. 


Hindi maikakaila na may panganib online, pero hindi rin maikakaila na may malaking pakinabang dito kapag tama ang paggamit.


Ang kabataan ay hindi dapat ikulong sa takot kundi ihanda sa realidad. Ang gobyerno ay hindi lang dapat bantay, kundi guro rin. Ang pagbabawal ay pansamantalang sagot lamang, ngunit ang tamang paggabay ay pangmatagalang proteksyon para sa mga kabataan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page