Dengue cases bumaba, huwag munang magpakampante
- BULGAR

- 24 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | September 7, 2026

Sa bawat pagbaba ng kaso ng dengue, may dahilan para huminga nang maluwag—pero hindi ito panahon para maging kampante. Sa unang walong buwan ng taon, umabot sa 128,634 ang naitalang kaso ng dengue sa bansa, 39 porsyentong mas mababa kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Magandang balita ito, pero ang bagong pagtaas ng mga kaso ay malinaw na paalala na hindi pa tapos ang laban.
Batay sa datos, 209,631 dengue cases ang naitala noong 2025. Samantala, mula Agosto 2 hanggang 15 ngayong taon, umabot sa 15,673 ang bagong kaso sa loob lamang ng dalawang linggo. Mas mataas ito ng siyam na porsyento kumpara sa 14,409 infections na naitala mula Hulyo 19 hanggang Agosto 1.
Dito dapat maging mas alerto ang bawat pamilya. Ang pagbaba ng kabuuang bilang ay hindi nangangahulugang ligtas na ang komunidad. Kapag nagsimulang tumaas ang kaso sa loob lamang ng dalawang linggo, dapat itong maging senyales para paigtingin ang pag-iwas bago pa lumaki ang problema.
Hindi lamang ospital at health workers ang may trabaho rito. Nagsisimula ang proteksyon sa loob ng bahay at sa paligid ng komunidad. Ang mga lugar na maaaring pamahayan ng lamok ay kailangan linisin, lalo na ngayong tag-ulan kung kailan mas nagiging paborable ang kondisyon para sa pagdami ng mga lamok na nagdadala ng dengue.
Mahalaga ring huwag balewalain ang mga sintomas. Ang lagnat na may pantal, pananakit ng katawan at mata, pagkahilo at pagsusuka ay ilan sa mga senyales na dapat bantayan. Kapag may ganitong nararamdaman, mas mabuting magpatingin agad kaysa hintaying lumala ang kondisyon.
Para sa mga pamilyang kapos sa pera, mas mabigat ang dengue kapag nauwi sa ospital. May gastos sa gamot, pamasahe, pagkain at maaari pang mawala ang kita kapag kailangang magbantay sa maysakit. Kaya ang pag-iwas ay hindi lamang usapin ng kalusugan kundi proteksyon din sa kabuhayan ng pamilya.
Dapat nating tingnan ang 39 porsyento pagbaba bilang magandang resulta, pero hindi bilang pahintulot para magpabaya. Ang pagtaas ng kaso sa mga nakaraang linggo ay babala na maaaring mabilis magbago ang sitwasyon.
Sa panahon ng tag-ulan, mas mahalagang kumilos bago dumami ang nagkakasakit. Linisin ang kapaligiran, alisin ang mga posibleng pamugaran ng lamok, bantayan ang sintomas at agad humingi ng medikal na tulong kapag kinakailangan. Mas mabuting maagang umiwas kaysa sa huli ay pamilya ang magsisi.





Comments