Biglang sorry nang mahimasmasan… ELLEN, NAGTA-TUMBLING NANG MALASING SA CEBU

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | October 24, 2026

Photo: Ellen Adarna - IG
Hindi na inaasahan ng marami na magkakabalikan pa sina Ellen Adarna at Derek Ramsay. Tinuldukan na ng dating aktres ang kanilang relasyon at mas pinili niyang manatiling single.
Isang taon na silang hiwalay at hindi pa nag-e-entertain ng mga bagong manliligaw si Ellen. Ang tanging ugnayan na lang nila ay ang co-parenting arrangement para sa anak nilang si Lily.
Hindi ipinagkakait ni Ellen na mahiram ni Derek ang kanilang anak. Nitong 2nd birthday nito, nakasama ni Derek ang kanyang little princess. Mahal na mahal ng aktor si Lily dahil marami raw itong binago sa kanyang buhay.
Samantala, shocked ang maraming netizens sa pinaggagawa ni Ellen nang minsang malasing ito sa isang fiesta sa Cebu. Naka-post pa ang video sa social media. Mistulang acrobat na nagpa-tumbling-tumbling si Ellen.
Ganunpaman, agad naman siyang nag-sorry nang mahimasmasan sa kanyang ginawang kahiya-hiya.
Anyway, maging si Derek ay nagulat din siguro at hindi makapaniwalang nagawa iyon ni Ellen nang malasing ito. Pero wala naman siyang negative comment sa kanyang ex-wife.
Kahit 3 ang shows sa GMA-7, laban lang!
MICHAEL V., SWAK NA KAPALIT NI DINGDONG SA FAMILY FEUD
PANATAG ang loob ni Dingdong Dantes kahit pansamantala niyang iniwan ang pagiging host ng Family Feud (FF). Malaki ang tiwala niya sa kakayahan ni Michael V.
So far, maganda ang feedback ng mga viewers sa game show. Magaan ang atake ni Michael V. sa pagiging host dahil may halong comedy, kaya kampante ang mga contestants. Mahusay niyang naitatawid ang FF.
Sabi nga, nasa tamang tao ang game show at consistent pa rin ang mataas na ratings. Kaya walang dapat alalahanin si Dong kung pansamantala siyang nag-health leave, kahit tatlo ang shows na hawak ni Bitoy.
Gaano man kaabala si Michael V. sa Bubble Gang at sa sitcom na Pepito Manaloto, kinakarir din niya ang pagho-host ng FF.
Tama lang na si Bitoy ang napiling pansamantalang humalili kay Dingdong. Napaka-professional nito sa trabaho, kaya patuloy siyang kinikilala bilang isang magaling na comedian at host.
TIYAK na matutuwa at kikiligin ang mga Vilmanians sa 42nd Philippine Movie Press Club (PMPC) Star Awards for Movies. Si Vilma Santos-Recto kasi ang gagawaran ng Hall of Fame Award bilang Movie Actress of the Year dahil sampung beses na siyang nanalo sa kategoryang ito.
Kaya naman, dalawang aktor ang manghaharana sa kanya bago niya tanggapin ang kanyang award. Ang dating ka-love team ni Vilma na si Edgar ‘Bobot’ Mortiz at ang matalik niyang kaibigan na si Tirso Cruz III ang magbibigay ng musical tribute sa Star for All Seasons.
Samantala, ang Megastar na si Sharon Cuneta ay tatanggap ng Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award bilang pagkilala sa kanyang mga kontribusyon sa industriya ng pelikula. Ang anak ni Shawie na si Kakie Pangilinan ang kakanta ng mga pinasikat niyang awitin noon. Ito na rin ang tatanggap ng award ni Sharon.
Well, tiyak na star-studded ang 42nd PMPC Star Awards for Movies na gaganapin sa Winford Hotel bukas, October 25. Ito ay produced ni Jojo Mendrez in collaboration with Playtime.





Comments