Karapatan ng mga tumatawid sa tamang tawiran

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 24, 2026

Dear Chief Acosta,
Nagtatrabaho ako sa isang business hub sa may Ortigas. Araw-araw akong sumasakay sa MRT, at mula sa istasyon ay naglalakad ako papunta sa aking opisina. Marami namang pedestrian lanes sa nasabing lugar. Ngunit sa araw-araw na paglalakad ko ay napansin ko na maraming kotse ang hindi humihinto sa mga pedestrian lanes. Iyong ibang drayber pa ay walang habas na bumubusina kapag may tumatawid. Kami po ba ang dapat na magbigay-daan sa mga dumadaang sasakyan? — Shandrei
Dear Shandrei,
Ayon sa Section 42 (c), Article III ng Republic Act (R.A.) No. 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code, ang drayber ng isang sasakyan na nagmamaneho sa isang tinatawag na business district ay kailangang magbigay-daan sa mga tao na tumatawid sa mga tamang tawiran o pedestrian lanes. Narito ang pahayag ng batas:
“Section 42. Right of way.
x x x x x x x x x
(c) The driver of any vehicle upon a highway within a business or residential district shall yield the right of way to a pedestrian crossing such highway within a crosswalk, except at intersections where the movement of traffic is being regulated by a peace officer or by traffic signal. Every pedestrian crossing a highway within a business or residential district, at any point other than a crosswalk shall yield the right of way to vehicles upon the highway.”
Ating intindihin ang nakasaad sa batas. Una, bilang pangkaraniwang patakaran, ang mga drayber na nagmamaneho sa isang business o residential district ay kailangang magbigay-daan sa mga tumatawid na tao. Nguni’t importanteng maintindihan ng mga tao na kailangang sila ay tumawid sa tamang tawiran o sa mga itinalagang pedestrian lanes, bilang bahagi ng pag-iingat.
Kaya naman, kung ang isang tao ay tumatawid sa hindi tamang tawiran o sa mga itinalagang pedestrian lanes, kailangang magbigay-daan sila sa tumatawid na mga sasakyan. Ito ay dahil mayroong mga tamang tawiran na itinalaga ang pamahalaan para sa ating kaligtasan, dahil alam din ng mga drayber na kailangang nilang magbigay-daan sa mga tumatawid sa pedestrian lanes.
Pero kung mayroong itinalagang tagapagpatupad ng batas-trapiko o mga traffic lights sa nasabing interseksyon, kailangang sumunod ang mga tumatawid sa mga ito bago sila tumawid.
Sa iyong sitwasyon, nabanggit mo na tumatawid ka sa isang itinalagang pedestrian lane sa isang business district. Dahil dito, obligasyon ng mga motorista na magbigay-daan sa mga tumatawid, maliban kung may tagapagpatupad ng batas-trapiko o traffic lights na naghuhudyat ng pagtawid sa nasabing lugar.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments