top of page
Ellen Adarna - IG.jpg

Mula seminarista hanggang pari, bokasyong buhay na buhay

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 24, 2026



Fr. Robert Reyes


IPINAGDIRIWANG ng Seminaryo ng San Jose ang ika-siyamnapu’t pitong (97) “homecoming” noong nakaraang ika-22 ng Oktubre 2026. Tulad ng pagdating ng Pasko, madalas sabihin ng marami, “Kay bilis ng panahon. Pasko na naman!” Oo, kay bilis talaga ng panahon, 97 taon nang nagkikita-kita ang mga “Anak ni Tata Jose” sa kanilang alma mater. Tunay ngang mabilis dahil naalala pa natin nang tayo ay naging pangulo ng homecoming ng San Jose noong dekada 70-80, ika-50 homecoming iyon ng aming seminaryo. 


At sa taong ito, ipinagdiwang din natin ang ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. Noong nakaraang Pebrero, tumawag sa atin ang isang kaeskuwela sa kolehiyo upang imbitahin sa isang handaang inaalay ng ilang kaeskuwela sa isang restaurant sa Greenhills Shopping Center. Kagyat nating tinanong: Bakit?


Anong okasyon? Bakit may handaan? “Nakalimutan mo na ba na grumadweyt tayo sa kolehiyo noong 1976?” Limampung taon na tayong gradweyt ng kolehiyo. Tayo na ang golden jubilarians. Wow! Ang bilis talaga ng panahon. Hindi natin pinalampas ang naturang imbitasyon. Nagtungo tayo sa isang resto sa Greenhills at isa-isang dumating ang mga dating kaklase. Nagkagulatan na lang ang lahat sa mga puting buhok o walang buhok na dumarating. Nakatutuwa naman ang mga babaeng kaeskuwela namin. Mas mukha silang bata kaysa sa aming mga lalaki. Disiplina, ingat sa katawan, ang mabilis naming paliwanag sa aming sarili. Ah, totoo namang mas maingat at disiplinado ang kababaihan pagdating sa kalusugan at pag-aalaga sa katawan.

                  

Medyo nahuli tayong dumating sa seminaryo. Nagsisimula nang magbigay ng pagninilay si Cardinal Luis “Chito” Antonio Tagle. Magkaeskuwela kami ni Cardinal Tagle. Sa isang taon, aming ipagdiriwang na ang ikaapatnapu’t limang (45) anibersaryo ng aming ordinasyon sa pagkapari noong 1982. Malapit nang mag-setenta ang Kardinal. “Seventy one” na ako. 

                  

Habang nagbibigay ng kanyang pagninilay si Kardinal Tagle, pinagmamasdan natin ang karamihan sa mga ulo ng mga nakaupong pari. Puti at maninipis na ang mga buhok ng karamihan. Hinahanap din natin ang iba na madalas nating makita tuwing homecoming. Marami na ang wala dahil medyo may sakit at mahina nang magbiyahe.


Ganun pa man, malaking bagay ang magkita-kita at magsama-sama muli ng mga dating magkakaeskuwela at magkaka-seminaryo. Magkakatabi kaming kumain nina Kardinal Tagle at Padre Edwin Mercado ng Seminaryo ni San Carlos sa Makati.


Tatalo lang kaming magkaklase sa homecoming. Pumanaw na noong Pebrero 2020 si Padre Danny Bermundo. Hindi nakadalo ang dalawang taga-Mindanao na sina Padre Bobby Colon ng Butuan at Padre Jun Aris ng Malaybalay. Subalit naroroon si Padre Cecilio Moraga na pansamantalang lumabas, kaya naging pari siya noong 1984. Galing sa Peru si Padre Boy. Nagretiro ito bilang pari ng Diyosesis ng San Diego, California. Biro ni Padre Boy, “Kababayan ko si Papa Leon XIV.” Naging obispo kasi si Papa Leon sa isang diyosesis sa Peru.

                  

Nakakatuwa ang kuwentuhan naming magkakaiskuwela. Iba’t iba ang kuwento sa pagiging seryoso at maselan. Siyempre, mabigat ang mga kuwento ng Kardinal dahil sa sakop ng kanyang misyon. Ganun din naman ang bigat at tindi ng mga kuwento naming magkaeskwela tungkol sa buhay sa ‘Pinas. Ganun pa man, bumalik ang aming buhay seminarista na may panahong magkuwentuhan at magsuportahan noong nakatira pa kami sa Seminaryo ni San Jose.

                  

Kinabukasan, nagpulong ang Alumni Association ng Seminaryo ni San Jose. Bandang ika-10 ng umaga, sama-samang nagdiwang ng misa ang mga anak ni Tata Jose. Tumatanda na rin ang kapilyang aming ginamit noong dekada 70-80. Marami nang mga naging kasamang naunang bumalik sa Ama. Napakadaming kuwentong hindi maibabahagi dito. Sapat nang sabihing, hindi ang haba ng panahon kundi ang ganap na pagbibigay ng sarili ang mahalaga sa mga hinirang maging ang pari ni Kristo at mga Anak ni Tata Jose. Salamat po, mahal na seminaryo ng aming kabataan at murang bokasyon.


Umidad na kami, ngunit hindi nagsasawa at nanghihina ang pagtugon sa banal na pagtawag. Salamat, mga propesor at tagapaghubog na Heswita. Karamihan sa inyo ay pumanaw na, ngunit buhay na buhay sa aming buong pagkatao at pagkapari ang lahat ng inyong itinuro at ang banal ninyong halimbawa. Salamat, mahal naming seminaryo ni San Jose. Hail San Jose! Hail San Jose!!!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page