Dahil sa kakulangan ng doktor... Medical school sa Mindanao, binuksan
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | May 19, 2026

Sa gitna ng kakulangan ng doktor sa bansa, hindi ba’t magandang marinig na may bagong hakbang para mas mailapit ang serbisyong medikal sa mga ordinaryong Pilipino—lalo na sa mga lugar na madalas makalimutan ng sistema?
Kung tutuusin, hindi lang ito simpleng pagbubukas ng kurso kundi tila konkretong sagot sa matagal nang problema ng taumbayan sa kakulangan ng manggagamot sa Mindanao.
Isang mahalagang hakbang ang paglulunsad ng limang taong Doctor of Medicine program ng University of the Philippines sa Mindanao campus nito, bagay na unang beses mangyayari sa kasaysayan ng pambansang unibersidad. Inaprubahan ito ng UP Board of Regents noong Abril 30, habang opisyal nang binuksan ng UP Mindanao ang aplikasyon para sa kauna-unahang batch ng mga estudyante sa bagong School of Medicine (SoMed), na tatanggap lamang ng 35 unang mag-aaral para sa Academic Year 2026–2027.
Napapanahon ang programang ito dahil hindi na maikakaila ang matinding kakulangan ng doktor sa bansa. Ayon sa datos ng Department of Health (DOH), nasa 56,794 lamang ang mga doktor para sa mahigit 114 milyong Pilipino noong katapusan ng 2025—katumbas ng limang doktor sa bawat 10,000 katao, malayo sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) na 10 kada 10,000 populasyon. Mas ramdam ito sa Mindanao kung saan nananatiling mababa ang doctor-to-population ratio, partikular sa mga liblib at mahihirap na lugar.
Ang bagong SoMed ng UP Mindanao ay hindi lamang basta paaralan ng medisina. Layunin nitong makapagluwal ng mga doktor na may malasakit sa komunidad at handang magserbisyo sa mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs), Indigenous Peoples communities, Muslim areas at maging sa urban poor communities.
Sa ilalim ng programa, obligado ang mga magtatapos na magbigay ng tatlong taong serbisyo sa Mindanao bilang bahagi ng return service agreement—isang hakbang upang matiyak na hindi masasayang ang oportunidad at tunay na mapapakinabangan ng mamamayan.
Kabilang sa maaaring mag-apply ang mga Pilipinong 35 anyos pababa, nagtapos ng science o health science degree na may NMAT score na hindi bababa sa 90, graduates ng nursing program ng UP Manila School of Health Sciences na may minimum NMAT score na 40, at mga kwalipikadong iskolar mula sa mahihirap na sektor. Wala ring entrance examination, habang bukas ang aplikasyon hanggang Mayo 31 at magsisimula ang klase sa Agosto 17.
Higit pa sa edukasyon ang usaping ito—usapin ito ng pag-asa para sa mga Pilipinong matagal nang naghihintay ng maayos na serbisyong pangkalusugan. Kung mas maraming doktor ang mapapadala sa mga lugar na kulang sa atensyon, mas maraming buhay ang maaaring masagip. Malinaw na paalala ito na kapag inilapit ang oportunidad sa mga rehiyon, mas nagiging posible ang pantay na serbisyo para sa lahat.





Comments