Dagdag-pondo para sa kalusugan, wa’ ‘wenta kung ‘di ramdam

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | September 10, 2026

Kailangan maramdaman ng mga Pinoy na ang bilyun-bilyong pisong inilalagay sa kalusugan ay tunay na napupunta sa serbisyong kailangan ng taumbayan.
Dahil para sa pamilyang kapos sa kita, isang simpleng pagkakasakit ay maaaring maging malaking problema kapag mahal ang gamot, kulang ang serbisyo at malayo ang ospital na kayang magbigay ng kinakailangang gamutan.
Sa 2027, nakatakdang dagdagan ang pondo para sa mga pampublikong ospital at cancer care. Umabot sa P107.29 bilyon ang panukalang pondo para sa 72 regional hospitals at iba pang health facilities ng Department of Health (DOH), P1.30 bilyon na mas mataas kaysa 2026 allocation. Malaking bahagi nito ay mapupunta sa Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE upang magkaroon ng mas malaking kakayahan ang mga ospital na bumili ng mahahalagang gamot, tugunan ang kanilang operasyon at palakasin ang tertiary care..
Kasama sa layunin ang pagpapatuloy ng Zero Balance Billing o ZBB, kung saan hindi na dapat pasanin ng mga kwalipikadong pasyente ang bayad para sa mga sakop na serbisyo. May inilabas ding P10.377 bilyon para dagdagan ang pondo ng ZBB, kabilang ang P9.377 bilyon para sa mga DOH hospitals.
Para naman sa PhilHealth, P74.45 bilyon ang inilaan sa panukalang 2027 budget, habang target na madagdagan ang mga benepisyaryo sa 11.09 milyon mula sa 10.65 milyon ngayong taon. Kasabay nito ang pagpapalawak ng benefit packages at pagpapatuloy ng ZBB.
Mas malaking tulong din ang nakalaan para sa mga pasyenteng may cancer. Ang Cancer Assistance Fund ay tataas sa P3.75 bilyon mula P1.50 bilyon noong 2026—150 porsiyentong dagdag. Maaari itong magbigay ng hanggang P150,000 bawat isa sa 25,000 cancer patients sa pamamagitan ng 36 designated cancer care access sites sa buong bansa. Saklaw nito ang mga pangunahing cancer gaya ng breast, lung, colorectal at liver cancer.
Hindi rin dapat kalimutan ang mga taong nasa likod ng serbisyo. P25.39 bilyon ang panukalang pondo para sa National Health Workforce Support System, mula P23.36 bilyon noong 2026, upang suportahan ang deployment ng doctors, nurses at iba pang health professionals.
Sa Metro Manila, P28.19 bilyon ang nakatakdang pondo para sa 14 DOH hospitals.
Malaking halaga ang mga numerong ito, ngunit ang tunay na sukatan ng tagumpay ay hindi kung gaano kalaki ang budget. Ang sukatan ay kung mas mabilis bang nabibigyan ng lunas ang pasyente, may gamot bang makukuha, nababawasan ba ang utang ng pamilya at may sapat bang health workers na aasikaso sa nangangailangan.
Ang kalusugan ay hindi dapat maging pribilehiyo ng may pera. Kapag may dagdag na pondo, dapat dagdag-serbisyo rin ang maramdaman ng taumbayan. Dahil sa oras ng pagkakasakit, hindi milyon o bilyon ang iniisip ng isang pamilya—ang iniisip nito ay kung saan kukuha ng gamot, pambayad sa ospital at panggastos para gumaling ang kanilang mahal sa buhay.
Kaya kailangang tiyaking ang bawat pisong inilaan para sa kalusugan ay may katumbas na tunay na serbisyo.





Comments