top of page

Cooking oil bilang alternatibo ‘di ligtas, reporma sa petrolyo, tiyakin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | April 11, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo, napipilitang maghanap ng alternatibo ang mga motorista, pero hindi lahat ng “tipid hacks” ay tunay na nakakatipid. 


Ang paggamit ng pinaglumaan o used cooking oil bilang halo sa diesel ay isang halimbawa ng kakaibang solusyon na maaaring maging praktikal para sa ilan, ngunit peligroso para sa nakararami.


Ibinahagi ng isang engineer at renewable energy advocate ang kanyang eksperimento sa paghahalo ng purified used cooking oil sa diesel ng kanyang SUV. 


Ayon sa kanya, matagal na niya itong ginagawa mula pa noong 2019 at wala naman siyang nararanasang problema sa performance ng kanyang sasakyan. 


Sinisiguro rin niyang sinusubukan niya paminsan-minsan ang purong diesel upang maikumpara ang takbo ng makina bago muling bumalik sa halo.


Gayunpaman, malinaw ang kanyang paalala na ang ganitong paraan ay hindi garantisadong gagana sa lahat ng sasakyan at dapat gawin nang may sariling pananagutan. 


Dito pumapasok ang mas malalim na usapin—ang kaalaman at kakayahan ng isang motorista. Hindi sapat ang simpleng pagsubok sa isang bagay kung walang sapat na teknikal na pag-unawa.


Pinagtibay ito ng Automobile Association of the Philippines (AAP), kung saan ipinaliwanag ng Pangulo nito na maaaring makasira ang ganitong halo sa modernong makina, lalo na sa mga may common rail system. 


Bagama’t maaaring makatipid sa simula, mas malaki ang posibilidad na gumastos sa huli dahil sa pinsalang dulot nito, tulad ng pagbara ng injectors dahil sa mas malapot na katangian ng cooking oil kumpara sa diesel.


Idinagdag pa niya na ang ganitong alternatibo ay mas angkop lamang sa mga lumang sasakyan, partikular ang mga modelong 1997 pababa na mas mekanikal ang sistema at walang komplikadong electronic components. Sa mga ganitong makina, mas kaya nilang tanggapin ang hindi karaniwang fuel mixtures. Ngunit sa modernong sasakyan ngayon, malinaw na hindi ito praktikal.


Ang ganitong usapin ay sumasalamin sa desperasyon ng taumbayan na makaraos sa araw-araw na gastusin. Hindi na bago sa kasaysayan ang paggamit ng alternatibong fuel, tulad ng coconut oil noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ngunit iba na ang teknolohiya ngayon. Ang simpleng eksperimento noon ay hindi na basta-basta maisasalin sa kasalukuyan.


Ang tunay na solusyon ay hindi lamang nakasalalay sa diskarte ng indibidwal kundi sa mas sistematikong tugon—mula sa gobyerno hanggang sa industriya ng enerhiya. 

Habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis, dapat ding paigtingin ang paghahanap ng ligtas, episyente, at sustainable na alternatibo. Ang pagtitipid ay mahalaga, ngunit hindi dapat isugal ang kaligtasan at isipin dapat ang kahihinatnan ng inyong mga gagawin. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page