top of page
Search
  • BULGAR

C. Mucho, nagwagi sa AVC; PHL men's team, sasabak din

ni MC / VA - @Sports | October 07, 2021



Hinalimaw nina Kalei Mau at MJ Phillips ang laro para sa Choco Mucho nang papakin ang Rebisco, 22-25, 25-17, 25-19, 25-17, sa All-Filipina game sa Asian Women’s Club Volleyball Championship na idinaraos sa Terminal 21 competition hall sa Nakhon Ratchasima, Thailand kahapon.


Ang pagiging ganado ni Phillips ang umangat sa Choco Mucho para sa opening set, katuwang si Mau upang manaig sa mas batang team ng Pilipinas sa huling tatlong sets at tuluyang makuha ang unang pagwawagi sa torneo.


Ang panalong iyon ang maghahatid sa Choco Mucho para sa bakbakan sa fifth place laban sa Zhetysu ng Kazakhstan habang inilagay nila ang Rebisco team sa huling standings mula sa limang talong laro.


Samantala, umalis na kahapon (Miyerkules) ang Team Rebisco Philippines patungong Nakhon Ratchasima,Thailand para sa nakatakda nilang pagsabak sa Asian Men’s Club Volleyball Championship na magsisimula bukas-Biyernes-Oktubre 8.


Pangungunahan ang koponan ni team captain John Vic De Guzman kasama ng iba pang miyembro ng SEAGames silver medalist squad na sina Rex Intal, Mark Alfafara, Ricky Marcos, Ish Polvorosa, Jessie Lopez, Kim Malabunga, Francis Saura, Josh Retamar at Jao Umandal.

Kasama nila sina Ysay Marasigan na dating miyembro ng 2015 SEA Games team, Nico Almendras, Manuel Sumanguid at JP Bugaoan.

Nasa ilalim ng paggabay ni coach Dante Alinsunurin, ang continental club competition ang unang international tournament na lalaruan ng national men's volleyball squad matapos magwagi ng makasaysayang silver medal noong 30th Southeast Asian Games. Ang partisipasyon nila sa naturang torneo ay itinaguyod ng Philippine Sports Commission.

Kahit wala ang kanilang ace spikers na sina Marck Espejo at Bryan Bagunas na naglalaro sa koponan ng Tokyo at Oita Miyoshi sa V League ayon sa pagkakasunod, nananatiling optimistiko si Alinsunurin na sa kabila pa rin ng hamong kanilang kinakaharap dulot ng pandemic dahil sa taglay nilang deep talent pool.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page