Bomb threat at bomb joke sa mga iskul, bigyan ng mabigat na parusa
- BULGAR

- 31 minutes ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | July 7, 2026

Panahon nang maunawaan ng bawat mag-aaral na may hangganan ang biro, lalo na kung kaligtasan ng nakararami ang nakataya.
Mahigpit nang ipinagbabawal sa mga paaralan ang paggawa ng bomb threat o kahit simpleng bomb joke. Sa ilalim ng DepEd Order No. 006, Series of 2026, hindi na papayagang makapag-enroll sa susunod na school year ang sinumang mapatutunayang lumabag sa naturang patakaran.
Itinuturing ang bomb threat bilang isang third-level offense o pinakamabigat na paglabag sa disiplina sa paaralan. Hindi dapat gawing katatawanan ang anumang pahayag, mensahe, o kilos na may kaugnayan sa bomba dahil nagdudulot ito ng matinding takot, pagkaantala ng klase, at panganib sa seguridad ng mga mag-aaral, guro, at iba pang nasa loob ng paaralan. Bukod dito, maaari ring humantong sa pananagutang kriminal ang sinumang mapatutunayang gumawa ng ganitong paglabag.
Sa ilalim ng bagong alituntunin, sapat na ang unang paglabag upang mapatawan ng non-readmission. Nangangahulugan ito na maaari pang tapusin ng estudyante ang kasalukuyang school year, ngunit hindi na siya pahihintulutang makapag-enroll sa susunod. Maaari rin siyang i-refer sa mga kaukulang ahensya para sa nararapat na aksyon.
Makatwiran ang mas mahigpit na patakarang ito. Ang bawat bomb threat, totoo man o hindi, ay agad na pinakikilos ang mga otoridad, nagdudulot ng matinding pangamba sa mga magulang, guro, at mag-aaral, at sumasayang sa oras, lakas, at pondo ng pamahalaan na dapat sana'y nakalaan sa edukasyon at iba pang mahahalagang serbisyo.
Hindi lamang pagpapataw ng parusa ang layunin ng ganitong polisiya. Higit sa lahat, nais nitong itanim sa isip ng mga kabataan ang kahalagahan ng pananagutan at paggalang sa kaligtasan ng iba. Ang bawat biro ay may hangganan, lalo na kung maaari itong magdulot ng takot, kaguluhan, o panganib sa buong komunidad.
Dapat manatiling ligtas at payapa ang bawat paaralan upang makapag-aral nang maayos ang mga estudyante at makapagturo nang walang pangamba ang mga guro. Ang disiplina ay hindi hadlang sa kalayaan, kundi gabay upang maging responsable at mapanagot ang bawat isa.
Kung magiging seryoso ang lahat sa pagpapanatili ng seguridad sa loob ng mga paaralan, mas magiging panatag ang mga magulang, mas makapagtutuon ng pansin ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral, at mas mapapalakas ang tiwala ng publiko sa ating sistema ng edukasyon.





Comments