top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Bike lanes at walkways, hindi luho kundi pangangailangan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | July 9, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Kung 94% ng mamamayan mismo ang nagsasabing kailangan ng mas maayos na bike lanes at walkways, hindi ba panahon nang pakinggan ang kanilang boses kaysa manatili sa lumang sistema na higit na pabor sa iilang may pribadong sasakyan?


Malinaw sa isinagawang survey ng Pulse Asia para sa Mobility Awards na malakas ang suporta ng mga Pilipino sa pagpapalawak ng ligtas at mas maayos na bicycle lanes at walkways. Lumabas sa resulta na 94% ng mga respondent ang sumasang-ayon sa pagtatayo ng mas maayos na imprastruktura para sa mga naglalakad at nagbibisikleta.


Isinagawa ang survey mula Mayo 23 hanggang 26, 2026 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 rehistradong botante sa buong bansa. Mayroon itong ±2.8% margin of error sa 95% confidence level para sa pambansang resulta.


Hindi lamang active transport ang sinuportahan ng publiko. Umabot din sa 93% ang pabor sa pagpapalawak ng mga exclusive lane para sa pampublikong transportasyon, habang 82% naman ang sumusuporta sa pagbibigay ng transit subsidies upang mapagaan ang gastusin sa biyahe. Samantala, 72% lamang ang pumabor sa pagpapatuloy ng mga polisiyang higit na nagbibigay-prayoridad sa mga pribadong sasakyan—ang may pinakamababang suporta sa lahat ng panukalang isinama sa survey.


Tinawag ang resulta bilang "94% Paradox." Batay sa pag-aaral ng Social Weather Stations noong 2022, 94% ng mga pamilyang Pilipino ang walang sariling sasakyan. Sa kabila nito, patuloy na lumiit ang pondong inilaan ng pamahalaan para sa active transport infrastructure. Mula sa P2 bilyong budget noong 2022, bumagsak ito sa P105 milyon ngayong 2026.


Ipinanawagan din na gawing prayoridad ng pamahalaan ang active transport dahil ito ang pangunahing paraan ng pagbiyahe ng malaking bahagi ng mga manggagawa. Kabilang sa mga mungkahi ang paglalaan ng hindi bababa sa P1 bilyong pondo para sa 2027 at ang pagtatayo ng magkakaugnay na network ng ligtas na bike lanes at walkways sa mga lokal na pamahalaan.


Dagdag pa rito, ipinakita rin ng SWS survey noong 2023 na tumaas sa 36% o tinatayang 10 milyong kabahayan ang gumagamit ng bisikleta mula sa 29% noong nakaraang taon. Mahigit kalahati o 56% sa kanila ang nagsabing nagbibisikleta sila upang makatipid sa pamasahe.


Ipinakikita ng mga datos na ang ligtas na paglalakad at pagbibisikleta ay hindi simpleng alternatibong paraan ng transportasyon. Para sa maraming Pilipino, ito ay praktikal at abot-kayang paraan upang makapasok sa trabaho, paaralan, at iba pang mahahalagang destinasyon sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin.


Kung tunay na layunin ng pamahalaan ang pag-unlad na ramdam ng ordinaryong mamamayan, nararapat lamang na ilaan ang sapat na pondo sa mga proyektong direktang makikinabang ang nakararami. Ang pagtatayo ng ligtas at maayos na bike lanes at walkways ay hindi luho kundi isang mahalagang pamumuhunan para sa kaligtasan, kabuhayan, at mas mataas na kalidad ng buhay ng bawat Pilipino.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page