Benepisyo ng virgin coconut oil sa puso at resistensya
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | March 9, 2026

Dear Doc Erwin,
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagsulat sa mga makabagong pag-aaral tungkol sa kalusugan. Dahil sa inyong column sa BULGAR newspaper, nadadagdagan ang aming kaalaman upang mapanatili ang aming kalusugan at makaiwas sa sakit.
Ako ay isang office worker at sa aming opisina ay napapanahon at marami ang nahahawa ng ubo, sipon, at lagnat. Napapansin kong umiinom ang katrabaho ko ng virgin coconut oil tuwing umaga at bihira lamang siyang dapuan ng flu, kung magkasakit man ay mild lang ang kanyang mga sintomas at mabilis siyang gumagaling. Nais kong itanong kung ito ba ay dahil sa pag-inom niya ng virgin coconut oil at kung makakatulong din ba ito upang mapalakas ang aking resistensya? — Ariel
Maraming salamat, Ariel sa iyong liham sa BULGAR newspaper at sa pagsubaybay sa “Sabi ni Doc” column.
Ang Virgin Coconut Oil (VCO) ay purong langis mula sa niyog na hindi dumaan sa proseso ng pagrarapina. Ito ay mayaman sa medium-chain fatty acids (MCFAs) at short-chain fatty acids (SCFAs) na mas madaling tunawin ng katawan upang magamit bilang energy source, sa halip na iimbak bilang taba. Ang VCO ay kinikilala sa maraming benepisyo nito sa kalusugan, kabilang ang anti-inflammatory, analgesic, antipyretic, antioxidant, anti-stress, at antimicrobial effects.
Noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, nagsagawa ang mga eksperto mula sa Philippine General Hospital at University of the Philippines Manila ng isang randomized controlled trial, na nailathala sa Acta Medica Philippina noong Mayo 2024, ukol sa benepisyo ng VCO bilang karagdagang lunas sa COVID-19. Ang antiviral properties nito ay nakakatulong sa pamamagitan ng pagpigil sa pagpaparami ng virus at pag-iwas sa pagkapit nito sa ating mga selula.
Mayroon din itong immunomodulatory effects na nagpapalakas sa ating resistensya laban sa mga viral infection gaya ng trangkaso, human immunodeficiency virus (HIV), herpes simplex virus (HSV), at papillomavirus (HPV).
Bukod sa resistensya, ipinakita rin sa isang systematic review at meta-analysis na inilathala sa Diabetology & Metabolic Syndrome journal noong Disyembre 2025 ni Zhang, et. al., na ang VCO ay may magandang epekto sa cardiovascular health. Nakakatulong ito sa pagpapababa ng triglycerides at pagpapataas ng high-density lipoprotein (HDL) o ang “good cholesterol.” Mahalaga ito dahil ang mataas na triglycerides at mababang HDL—na sinasamahan pa ng bisyo gaya ng paninigarilyo, diabetes, altapresyon, at kakulangan sa ehersisyo—ay mga pangunahing risk factors sa sakit sa puso.
Kung ang pag-inom ng VCO ay isasabay sa tamang nutrisyon, regular na ehersisyo, at pag-iwas sa masamang bisyo, malaki ang maitutulong nito upang maiwasan ang pagkahawa sa mga uso na sakit gaya ng trangkaso, at mapangalagaan ang iyong puso laban sa stroke o coronary artery disease.
Paalala lamang na ang pag-inom ng VCO ay maaaring magdulot ng pananakit ng tiyan, pagtatae, o pagsusuka sa ilang tao. Mainam na kumonsulta muna sa inyong doktor bago ito gawing regular na bahagi ng inyong routine upang matiyak ang tamang dosage para sa inyong katawan. (Dr. Sarrah Serrano)
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com




Comments