- BULGAR
- 3 days ago
ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | November 18, 2025

Photo File
Dear Doc Erwin,
Ako ay isang dating elementary school teacher at ngayon ay manggagawa sa isang government agency na tumutulong sa mahihirap. Kamakailan ay nalaman ko na ako ay may fatty liver. Walang inireseta sa ‘kin na gamot ang doktor ngunit pinayuhan ako na kumain ng balanced diet. Bagama’t bihira naman akong uminom ng alak, pinayuhan ako na iwasan ang pag-inom ng alak. Tinawag ng doktor na non-alcoholic fatty liver ang aking kalagayan.
Mataas daw ng kaunti ang aking blood sugar level at ang aking timbang ay nasa kategorya ng obese kaya’t pinayuhan din akong magbawas ng timbang at pinapaiwas din ako sa pagkain ng matatamis na pagkain.
May nagpayo sa ‘kin na isang kamanggagawa na ang olive oil ay makakatulong sa aking fatty liver. Ayon sa kanya, ito ang ipinayo sa kanya ng kanyang doktor na dalubhasa sa alternative medicine bukod sa pagkain ng tama at katamtaman lamang.
Nais ko sanang malaman kung makakatulong ang olive oil sa aking fatty liver, at kung may mga pag-aaral na rito. May specific na uri ba ng olive oil na mabisa at maaari kong gamitin? Sana ay masagot ninyo ang aking mga katanungan.
Masugid akong tagasubaybay ng BULGAR at ng Sabi ni Doc column. -- Maria Fe
Maraming salamat Maria Fe sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.
Ang fatty liver ay nangyayari dahil sa naiipon na taba (fat) sa ating atay (liver). Kung umabot na sa 5 porsyento at pataas ng timbang ng ating liver ang naipon na taba, matatawag na itong “fatty liver”. Maaaring lumala ang fatty liver at mapunta ito sa liver metabolic dysfunction, inflammation, fibrosis at cirrhosis ng liver.
Ayon kay Leoni et al (2018), dahil walang lisensyadong gamot para sa paggamot ng fatty liver, ang mga maysakit ay pinapayuhan na kumain ng healthy diet, mag-exercise at magbawas ng timbang.
Sa mga pag-aaral sa non-alcoholic fatty liver ay madalas itong nakikita sa mga taong obese at may diabetes. Dahil dito, maaaring ang iyong obesity at pagtaas ng iyong blood sugar ang dahilan ng iyong fatty liver.
Sa pag-aaral ni Chalasani at kanyang mga kasamang dalubhasa noong 2018 at mga scientist sa pangunguna ni Romero-Gomez noong 2017 ang pagkain ng healthy diet ay makakatulong laban sa fatty liver.
Nabanggit sa itaas na kinakailangang kumain ng healthy diet ang indibidwal na may fatty liver. Ayon kina Berna at Romero-Gomez (2020), ang pagkain ng Mediterranean diet ang pinaka-effective na dietary option sa mga may fatty liver. Isa sa mga main component ng Mediterranean diet ay ang olive oil. Sinasabi ng mga dalubhasa na ang dietary fatty acid composition ng olive oil pati na ang mga bioactive compounds na sangkap nito katulad ng hytroxytyrosol na may anti-oxidant at anti-inflammatory effects ang dahilan kung bakit ito epektibo laban sa fatty liver disease.
Ayon sa pag-aaral nina Nigam et al noong 2014 at ng mga dalubhasa sa pangunguna ni Rezai noong 2019, nag-improve ang fatty liver ng mga indibidwal na kasama ang olive oil sa kanilang diet.
Sa systematic review na isinagawa ng mga siyentipiko mula sa Wilmar Biotechnology Research and Development Center sa Shanghai, China, ang olive oil ay makakatulong laban sa fatty liver at nakakababa rin ng liver enzymes. Iminumungkahi nila ang paggamit ng extra-virgin olive oil dahil sa mataas ito sa monounsaturated fatty acids (MUFA) at mga bioactive polyphenols. Isinapubliko ang resulta ng pag-aaral na ito noong October 2023 sa Journal of Functional Foods.
Sumangguni sa iyong doktor kung paano maisasama sa iyong diet ang olive oil upang makatulong ito sa iyong sakit na fatty liver disease.
Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y ipagpatuloy ninyo ang pag-aalaga sa inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com








