top of page
Search

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | June 2, 2025





Dear Doc Erwin, 


Masugid akong tagasubaybay ng Sabi ni Doc column at ng BULGAR newspaper.

Regular akong umiinom ng mga health supplements upang manatiling malusog ang aking pangangatawan at pag- iisip. Nais ko sanang malaman kung anong vitamin supplement ang maaaring makatulong upang humaba ang buhay. 


Ayon sa aking nabasang magazine ay mahalaga ang Vitamin D3 sa ating kalusugan at maaaring makatulong makaiwas sa maraming sakit. Makakatulong kaya ang Vitamin D3 upang humaba ang ating buhay? May research studies na o kaya na nagpapatunay nito?

Maraming salamat at sana'y matugunan niyo ang aking mga katanungan. — Eduardo



Maraming salamat Eduardo sa iyong pagliham at pagiging tagasubaybay ng Sabi ni Doc at BULGAR newspaper. Maraming salamat din sa’yong katanungan dahil pagkakataon ito na maipahayag ang pinakabagong research study tungkol sa epekto ng pag-inom ng Vitamin D3 supplement sa paghaba ng buhay natin.


Nito lamang May 21, 2025 ay inilathala sa The American Journal of Clinical Nutrition, isang tanyag na scientific journal, ang resulta ng isang randomized controlled trial kung saan pinag-aralan ang epekto ng Vitamin D3 at ng Omega-3 supplementation sa haba ng telomere. 


Ang telomere ay mga specialized chromatin structures na nasa dulo ng ating mga chromosomes na nagpoprotekta sa integrity at stability nito. Naniniwala ang mga scientists na ang pag-iksi ng telomere habang tayo ay tumatanda ang dahilan ng chromosomal instability na nagiging rason ng iba't ibang uri ng chronic diseases, katulad ng cancer at mga cardiovascular diseases.


Naniniwala rin ang mga scientists na ang pag-iksi ng telomeres ang dahilan ng premature aging at mga age-related diseases kaya't kung mapipigilan o mapapabagal ang pag-iksi ng telomere ay pinaniniwalaan na magpapahaba ng buhay at madi-delay ang pagkakaroon ng mga age-related diseases.


Sa research na ito ay sinuri ng mga scientists mula sa Medical College of Georgia ng Augusta University sa bansang Amerika ang epekto ng Vitamin D3 at ng Omega-3 supplement sa haba ng telomere mula sa umpisa ng pag-inom ng supplement, hanggang sa dalawang taon at apat na taon na umiinom ng supplements na nabanggit. 


Ayon sa analysis ng data, nakita ng mga researchers sa pangunguna ni Dr. Haidong Zhu, na nabawasan ang pag-iksi ng telomere sa mga study participants na umiinom ng Vitamin D3 supplement. Patuloy naman na umiksi ang telomeres ng mga uminom ng Omega-3 supplement.


Ang daily dose ng Vitamin D3 supplement na ininom ng 1,031 study participants na kasama sa research na ito ay 2,000 IU per day. Nasa edad mula 50 years old pataas ang mga lumahok sa pag-aaral na ito.


Dahil sa pagbagal ng pag-iksi ng telomeres sa mga uminom ng Vitamin D3, naniniwala ang mga researchers na makakatulong ang Vitamin D3 supplementation upang mapabagal ang biological aging at ang pagkakaroon ng age-related diseases.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa'y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | May 19, 2025





Dear Doc Erwin, 


 Ako ay 40-anyos, may pamilya, at isang housewife. Mahilig ang aming pamilya sa pag-aalaga ng aso. Dahil naniniwala kami na ang mga alagang aso ay mas magiging masaya kung sila ay hindi nakakulong sa dog cage, ay minabuti namin na sila ay malaya sa loob ng aming bahay.


Dahil smoker ang aking panganay na anak at mas nakakabatang kapatid ay nae-expose ang aming mga alagang aso sa usok ng sigarilyo habang naninigarilyo sila sa loob ng aming bakuran. Naninigarilyo sila sa labas ng aming bahay ngunit sa loob pa rin ng aming bakuran.


May masamang epekto ba ang usok ng sigarilyo sa kalusugan ng aming mga alagang aso? Kung mayroon, ano ang mga sakit na maaaring makuha nila dahil sa usok ng sigarilyo? May mga pag-aaral na ba sa mga ito? Maraming salamat at nawa’y mabigyan n‘yo ng pansin ang aking liham at mga katanungan. — Maria Imelda


Maraming salamat Maria Imelda sa iyong pagliham at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper. 


Ang usok kung saan nae-expose ang inyong mga alagang aso ay tinatawag na “secondhand smoke”. Ito ay mula sa usok na ibinubuga ng isang taong naninigarilyo. Ito rin ang tawag sa usok na nanggagaling mula sa nakasinding sigarilyo at nalalanghap ng inyong mga alagang aso.


Ang usok mula sa sigarilyo na nalalanghap at kung saan nae-expose ang isang naninigarilyo ay tinatawag na “firsthand smoke”. 


Ang usok mula sa ibinubuga ng naninigarilyo at mula sa nakasinding sigarilyo na kumakapit sa upuan, pinto, bintana, alikabok sa loob ng bahay at sa kapaligiran na maaaring kumapit sa balat, balahibo at madilaan ng ating mga alagang aso, ay tinatawag na “thirdhand smoke”. 


Ayon sa isang artikulo sa website na petMD.com na isinulat ni Dr. Angela Beal, isang veterinarian at isang manunulat mula Columbus, Ohio sa bansang Amerika, maraming masamang epekto sa kalusugan ng ating mga alagang aso ang secondhand smoke mula sa sigarilyo at vape. 


Ayon kay Dr. Beal kasama ang mga sumusunod sa masamang epekto ng secondhand smoke – sakit sa baga at iba pang respiratory problems, cancer, allergies, sakit sa balat, sakit sa mata at sakit sa puso.


Maaaring makaranas ang inyong mga alagang aso na exposed sa secondhand smoke ng ubo, pag-hatsing, at wheezing. Puwedeng lumala ang hika at bronchitis ng inyong mga alagang aso dahil sa usok na kanilang nalalanghap mula sa sigarilyo at vape.


Sa isang pag-aaral (case control study) na isinagawa ng mga researchers mula sa Department of Environmental Health ng Colorado State University, ang mga aso na nakakalanghap ng secondhand smoke ay mas mataas ang risk na magkaroon ng cancer sa baga (lung cancer), lalo na sa mga asong maiigsi ang bibig at ilong. Ang mga asong mahahaba ang bibig at ilong ay mas mataas naman ang risk sa nasal cancer. Kung ninanais na mabasa ang research na ito, makikita ito sa March 1998 issue ng American Journal of Epidemiology.


Tumataas din ang risk ng mga aso sa cancer sa pantog (bladder cancer) kung sila ay nakakalanghap ng secondhand smoke, ayon sa isang 2024 study ng mga dalubhasa mula sa Department of Veterinary Clinical Sciences, College of Veterinary Medicine ng Purdue University sa bansang Amerika. Makikita ang artikulo na ito sa The Veterinary Journal, Volume 303, February 2024 issue.


Ang usok mula sa sigarilyo at vape ay maaaring maging dahilan ng iritasyon at pamumula ng mga mata ng alagang aso. Ang usok na dumadapo sa balahibo at balat ng aso ay maaaring maging dahilan naman ng iritasyon at dermatitis. Puwede ring maging dahilan ng pagkakasakit sa puso ng mga aso na madalas na makalanghap ng usok mula sa sigarilyo at vape.


Ano ang maaari nating gawin upang mabawasan ang exposure ng ating mga alagang aso sa secondhand at thirdhand smoke? Makakabuti kung hindi na maninigarilyo sa loob ng bakuran. At kung ito naman ay hindi maiiwasan, makakabuti na ilayo ang inyong mga alagang aso mula sa mga naninigarilyo.


Upang maiwasan din ang exposure ng ating mga alagang aso sa thirdhand smoke, nararapat na dalasan ang paglilinis ng kapaligiran, mga beddings, laruan, at kinakainan upang maalis ang mga smoke particles na kumapit sa mga ito. Makakabuti rin ang madalas na pagpaligo sa mga alagang aso upang maalis ang smoke particles na kumapit sa kanilang balat at balahibo.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y maiiwas niyo ang inyong mga alagang aso sa mga sakit na dulot ng secondhand at thirdhand smoke.



Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | May 12, 2025





Sa nakaraang artikulo ng Sabi ni Doc ay pinag-usapan natin ang isang pagkain na nagpapalakas ng ating resistensya o immune system. Ang mga pagkain na nag-stimulate ng ating immune system upang ito ay mas lumakas o maging mas aktibo na tinatawag din na “immune booster”.


Dahil sa hindi lamang ang mushroom ang pagkain na itinuturing na immune booster ay ipagpapatuloy natin sa artikulo ngayon ang talakayan sa mga pagkain na nagpalakas ng immune system, ayon na rin at sagot natin sa katanungan ni Ronaldo, tagasubaybay at mambabasa ng BULGAR at ng Sabi ni Doc column.


Ang pangalawang itinuturing na pagkain na napatunayan ng mga scientific researchers na isang immune booster ay ang “aged garlic”. Ang garlic o bawang sa salitang Tagalog, ay matagal ng ginagamit bilang ingredient sa pagkain at isang health remedy. Noong unang panahon ay ginagamit ito ng mga Griyego (Greeks) upang palakasin ang kanilang mga sundalo at mga atleta. Inihahalo rin nila ito sa kanilang mga health tonics na pampalakas ng katawan.


May iba’t ibang paraan ng paggawa ng aged garlic. Ang isang paraan ay ang pagpapainit sa garlic sa temperatura na 60 degrees Centigrade sa loob ng apat na linggo. Ang aged garlic ay walang amoy ngunit nananatili ang mga sangkap nitong bioactives, katulad ng “apigenin” na nakakaapekto sa ating immune system.


Sa isang clinical trial ng mga researchers sa University of Florida kung saan pinag-aralan ang epekto sa immune system ng aged garlic ay nakita ng mga researchers na ang mga kumain ng aged garlic ay may significant na mas mataas ang dami ng mga immune T cells at Natural Killer (NK) cells at mas mabilis ng walong beses itong dumami kaysa sa mga hindi kumain ng aged garlic. 


Ang mga immune T cells at Natural Killer cells ay kasama sa ating immune system na lumalaban sa iba’t ibang uri ng sakit katulad ng impeksyon at cancer. Mas kaunti rin ang mga nagkasakit sa mga research participants. Ang research na ito ang nagpakita ng paglakas ng ating immune system sa pamamagitan ng pagdami ng mga immune cells sa ating katawan at nabawasan ang pagkakasakit ng mga indibidwal na kumakain ng aged garlic. Mababasa ang resulta ng pag-aaral na ito sa Clinical Nutrition Journal na inilathala noong taong 2012.


Sa isang study naman sa bansang Japan ng mga dalubhasa sa Kyoto Prefecture University of Medicine kung saan pinag-aralan ang epekto ng aged garlic sa immune system ng mga pasyente na itinuturing na may inoperable cancer na. Matapos ang anim na buwan na kumakain ng aged garlic ay dumami ang mga Natural Killer cells nila na panlaban sa cancer. Dahil sa resulta ng study na ito, pinag-aaralan ng mga dalubhasa ang posibleng paggamit ng aged garlic o mga sangkap nito sa paggamot ng cancer. Basahin ang resulta ng research na ito sa Journal of Nutrition, Volume 136, No. 2, na nailathala noong 2006.


Ang broccoli sprouts ay isa pang halimbawa ng pagkain na itinuturing na isang potent na immune booster. Ang broccoli sprouts ay tatlo o apat na araw na bagong tubo lamang na broccoli. Ang broccoli sprouts ay may one hundred times na sulforaphanes, isang potent na bioactive kumpara sa isang full grown broccoli.


Sa isang clinical trial na isinagawa ng mga researchers mula sa Stanford University, University of North California at University Children’s Hospital Basel sa bansang Switzerland ay nakitaan ng mas maraming Natural Killer T cells (22 times more) ang mga kumain ng broccoli sprouts kumpara sa mga hindi kumain ng broccoli sprouts. Mas mataas din ang killing power ng mga immune cells. Ang pag-aaral na ito ay isinagawa sa mga participants na nakatanggap ng flu vaccine. Makikita ang resulta ng study na ito sa PLOS One journal na nailathala noong taong 2016.


Tandaan lamang na kung kakain ng broccoli sprouts ay kinakailangang nguyain ito ng mabuti. Ang pagnguya ay nagri-release ng enzyme na myrosinase mula sa mga sprouts at nagko-convert sa inactive sulforaphane sa active form nito. Ang active sulforaphane ang nagpapalakas ng ating immune system.


Ipagpapatuloy natin ang ating talakayan tungkol sa mga pagkaing immune boosters sa susunod na artikulo ng Sabi ni Doc.



Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page