Bagong katedral, buhay na sagisag ng pagbangon ng Marawi

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | November 22, 2026

May bagong simbahan na ang Prelatura ng Marawi. Naaalala ng lahat ang naganap na “Marawi Siege” noong Mayo hanggang Oktubre 2017. Nakidnap ng mga IS ang ilang guro kasama ang paring Padre Chito Suganob, Bikaryo Heneral ng Prelatura ng Marawi. Humigit-kumulang 100 araw na-hostage si Padre Chito at ang mga kasama.
At sa limang buwang digmaan sa Marawi sa pagitan ng mga militanteng IS at mga sundalo ng pamahalaan, ang Katedral ng Marawi ay isa sa mga nawasak na istruktura sa daan-daang iba pang nawasak.
Hindi na muling naitayo ang nawasak na St. Mary’s Cathedral (Cathedral of Mary Auxiliadora) ng Marawi. Sa halip, mayroong bago ngunit pansamantalang katedral na naitayo sa bayan ng Balo-I, Lanao del Norte, 20 kilometro ang layo sa Marawi. Ang pangalan ng Pro-Cathedral (pansamantalang katedral) ay ang Sto. Tomas de Villanueva. Ito muna ang magiging “Cathedral” o upuan ng Obispo ng Marawi na si Bishop Edwin dela Peña. Mainit na pagbati po, Bishop Edwin!
Salamat naman at meron nang Pro-Cathedral ang Prelatura ng Marawi na nagdiriwang ng kanyang ika-limangpung anibersaryo (Golden) ng pagkakatatag noong ika-20 ng Nobyembre, 1976. Natuwa tayong malaman na limampu o golden na ang Prelatura ng Marawi. Tamang-tama rin ang anibersaryo ng Prelatura sa aking pag-graduate sa kolehiyo noong 1976. Pareho pala kami ng mga gradweyt ng 1976 at ng Prelatura ng Marawi na tumanggap ng iba’t ibang pagpapala sa nagdaang limang dekada.
Hindi tayo nakadalaw sa mismong Marawi, ngunit naaalala natin ang pagdalaw natin sa Iligan sa mga buwang katatapos pa lang ng “Siege of Marawi.” Hindi kami pinahintulutang tumuloy sa mismong mapanganib na bahagi ng Marawi. “Delikado po,” babala ng ground commander. Ngunit sa mga nagdaang buwan, nakilala natin si Padre Chito Suganob, Bikaryo Heneral o kanang kamay ni Bishop Edwin dela Peña. Nadalaw pa natin siya sa Kampo Aguinaldo at naimbitahan sa aking parokya. Mabigat ang pinagdaanan ni Padre Chito. Ang mga sandali ng buhay na buhay ang panganib na baka na lang masumpungang pagpapatayin sila ng grupong Maute-ISIS. Isang daan at labing pitong araw (117 days) o mahigit apat na buwan nabihag sina Padre Chito at ang mga kasama. Nang makalaya ang grupo, malalim ang natamong sugat sikolohikal ng lahat. Sa pananalita ni Padre Chito sa kanyang paglaya, “Durog na durog ako, I was totally devastated inside,” ang paliwanag niya sa kanyang kalagayan.
Ang unang ginawa ni Padre Chito ay ang pagbuo ng grupo na tutulong sa mga biktima ng digmaan. Binuo nila ang “Pakigdait, Inc.” na pinamunuan ni Padre Chito. Sa halip na isulong ang paghihiganti sa mga sumira sa Marawi, sinimulan nila ang pagtahak sa matinig na daan ng kapayapaan sa pamamagitan ng pakikipag-usap, pagtutulungan sa iba’t ibang simbahan at grupo sa Marawi. Napakaliit ng porsiyento ng mga Kristiyano sa Marawi. 0.4 % ang kabuuang bilang ng mga Kristiyano (protestante, ebangheliko, Katoliko) at halos 99% ang kabuuang bilang ng mga Muslim. Napakaliit ng Prelatura ng Marawi. Binubuo ito ng apat hanggang pitong parokya at ilang paaralan na pinamamahalaan ng walo hanggang labing-anim na pari sa ilalim ng kanilang obispong si Edwin dela Peña.
Hindi na nagtagal ang buhay ni Padre Chito. Pumanaw ito habang natutulog noong ika-22 ng Hulyo 2020. Ang buong buhay ni Padre Chito ay nakalaan sa pagbubuklod ng mga Kristiyano at Muslim tungo sa mapayapang kapatiran at pagtutulungan. Sa gitna ng sari-saring girihan, iringan at pagtutunggalian ng iba’t ibang grupo sa ating bansa, magandang tumigil at pansamantalang manalangin nang tahimik. Hindi pa rin ganap ang kapayapaan sa Mindanao. Tuloy pa rin ang misyon sa pagtataguyod ng kapayapaan. Wala na si Padre Chito, ngunit marami pa ring nagtutuloy ng kanyang misyon. Buhay pa ang aking kaibigang Padre Sebastiano D’Ambria, PIME, na nagtatag ng Silsilah Dialogue Movement noong 1984. Sa salitang Arabic, nangangahulugang “dugtong” o “pandugtong” o link sa salitang Ingles.
Ang pagtayo ng Pro-Cathedral ng Marawi sa Balo-i ay maganda at makapangyarihang tanda ng walang sawang pagpapala ng Diyos, ang Kristong Hari ng Kapayapaan at Pagkakaisa. Isa itong regalong pinagkaloob ng Diyos sa Marawi dalawang araw bago ang kapistahan ni Kristong Hari, Hari ng Kapayapaan at Pagkakaisa. Tuloy-tuloy lang ang misyon nina Padre Chito at ng kanyang mga kasama sa misyon na naglilingkod pa rin tulad ni Padre Sebastiano, Obispo Edwin, at ng napakaraming mga kapatid na Muslim at Kristiyano na naniniwala sa kapayapaan at pagkakaisa, magkakapatid na Pilipino.





Comments