Batas sa pagpapaskil ng sertipiko ng dentista
- BULGAR

- 7 hours ago
- 2 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 17, 2026

Dear Chief Acosta,
Dapat po bang nakapaskil ang pangalan ng dentista at ang kanyang certificate of registration sa kanyang klinika? Naitanong ko po ito kasi noong nagpunta kami sa isang dentista ay kanya pang itinuro sa amin ang kanyang sertipiko bilang patunay na siya ay isang rehistradong propesyonal. Maraming salamat po. — Bernadette
Dear Bernadette,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 28 ng Republic Act (R.A.) No. 9484 o kilala rin sa tawag na “The Philippine Dental Act of 2007,” kung saan nakasaad na:
“Sec. 28. Display of Name and Certificate of Registration. - Every registered practicing dentist, dental hygienist and dental technologist shall display in a conspicuous place in the building or office where he/she practices, his/her name and his/ her certificate or registration in plain sight of patients who enter the dental office, or dental clinic or dental laboratory. In the case where the dentist has more than one clinic, the original certificate of registration should be displayed in his/ her main office or clinic, and he/she shall display a copy of his/her certified original certificate of registration in the other branch or branches of his/her practice. Any owner or proprietor of a dental office or establishment shall display the certificates of registration of each and everyone of such persons in the same manner as hereinafter provided.”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, inaatasan ang bawat rehistradong dentista, dental hygienist, at dental technologist na ipaskil ang kanyang pangalan at sertipiko o rehistro sa isang lugar sa gusali o opisina kung saan siya nagsasanay, na madaling makikita ng mga pasyenteng pumapasok sa nasabing lugar. Kung ang isang dentista ay may klinika na higit sa isa, ang orihinal na sertipiko ng rehistro ay dapat ipakita sa kanyang pangunahing opisina o klinika, at dapat siyang magpaskil ng kopya ng kanyang certified original certificate of registration sa iba niyang klinika.
Kung kaya, tama ang ginawa ng iyong dentista na naglagay o nagpakita ng kanyang certificate of registration sa kanyang klinika kung saan madali mo itong makita.
Ang nasabing batas ay base na rin sa polisiya ng ating pamahalaan na kinikilala ang kahalagahan ng mga dentista, dental hygienist, at dental technologist sa pagbuo ng bansa. Kung kaya, dapat linangin at hubugin ang kasanayan, pagiging produktibo, may moralidad, at mahusay na mga dentista, dental hygienist, at dental technologist na ang mga pamantayan ng propesyonal na kasanayan at serbisyo ay dapat na mahusay, de-kalidad, at kinikilala at makakapagkumpitensya sa buong mundo sa pamamagitan ng mga regulasyon, programa, at aktibidad na nagtataguyod ng kanilang patuloy na propesyonal na pag-unlad.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments