top of page

Batas para sa karapatan sa graduation rites ng mga estudyante, aprubahan sana

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 days ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | April 18, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Tiyakin sana ng pamahalaan at mga paaralan na ang entablado ng graduation ay para sa tagumpay, hindi kahihiyan.


Walang estudyanteng dapat mapahiya sa araw na bunga ng puyat, sakripisyo, at pagtitiis ng buong pamilya. Kaya makabuluhan ang panukalang batas sa Kamara na naglalayong ipagbawal ang pagharang sa mga graduating student na may hindi pa bayad na tuition at iba pang obligasyon upang makadalo sa kanilang graduation rites.

Isinusulong ang House Bill 8618 upang matiyak na lahat ng kuwalipikadong estudyante ay makadadalo sa kanilang pagtatapos, anuman ang kanilang kalagayang pinansyal.


Para sa maraming Pilipino, ang graduation ay hindi lamang seremonya kundi gantimpala sa magulang na nagbanat ng buto, sa estudyanteng nagpursige, at sa pamilyang nagsakripisyo para mairaos ang pang-araw-araw na gastusin sa pag-aaral.


Sa gitna ng pagtaas ng presyo, kinikilala ng panukala na marami pa ring pamilyang kapos sa pambayad sa paaralan. Hindi dapat maging hadlang ang kahirapan upang maranasan ng estudyante ang sandaling pinaghirapan niya sa loob ng maraming taon.


Ang pagmartsa sa entablado ay hindi lang simbolo ng pagtatapos, kundi ng dangal at pag-asa.


Nilinaw ng panukala na hindi nito inaalis ang karapatan ng mga paaralan na maningil. Maaari pa ring ipagpaliban ang paglabas ng diploma, transcript, at iba pang dokumento hanggang mabayaran ang obligasyon. Maaari ring humingi ng promissory note at gumamit ng iba pang legal na paraan upang makasingil, kaya nananatili ang balanse sa karapatan ng estudyante at pangangailangan ng paaralan.


Saklaw nito ang public at private basic education institutions, higher education institutions, at technical-vocational schools na may kursong lampas sa isang taon. Para sa mga kapos o naapektuhan ng kalamidad at krisis, maaaring mag-isyu ng certification ang local social welfare officer o DSWD regional officer bilang patunay ng kanilang sitwasyon.


Kapag lumabag ang mga paaralan, maaari silang patawan ng administrative sanctions mula sa DepEd, CHED, at TESDA upang matiyak na may pananagutan ang pagpapatupad ng batas.


Makatao at makabuluhan ang panukalang ito dahil ibinabalik nito ang diwa ng edukasyon—ang pag-angat ng kabuhayan, hindi pagdaragdag ng pasanin sa maralita. Ang graduation ay minsan lamang mangyari sa buhay ng marami. Kung may dapat hadlangan, hindi ang estudyante kundi ang sistemang walang malasakit sa ordinaryong mamamayan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page