top of page
FRANKLY - PIKTYUR NI ELLEN NA MAY KASAMANG MALE MODEL SA CHINA, AGAW-EKSENA_IG _maria.elen

Bastos na drayber, walang puwang sa public transpo

Writer: BULGAR
BULGAR
8 hours ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | November 18, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Sa loob ng pampublikong sasakyan, hindi lang maayos na biyahe at ligtas na pagmamaneho ang dapat asahan ng mga pasahero, kundi maayos at magalang ding pakikitungo. Hindi dapat maging bahagi ng karaniwang biyahe ang pagmumura, pang-iinsulto o anumang asal na nagpaparamdam sa mga commuter na wala silang halaga.


Kaya nararapat lamang na imbestigahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang insidenteng kinasasangkutan ng isang driver ng Joyselle Express matapos umanong bastusin nito ang isang pasahero. Naglabas ang ahensya ng show cause order (SCO) na nag-aatas sa bus operator na magpaliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang Certificate of Public Convenience (CPC) nito dahil sa nangyari.


Nagsimula ang aksiyon matapos magbahagi sa social media ang isang pasahero ng kaniyang karanasan. Ayon sa kaniyang post, gumamit umano ng mga salitang malaswa at mapanakit ang driver sa kabila ng pagtatangkang awatin ito ng konduktor. Bagama’t kailangang marinig ang panig ng lahat ng sangkot bago maglabas ng pinal na hatol, hindi dapat balewalain ang ganitong reklamo.


Itinakda ng LTFRB sa Nobyembre 24 ang pagdinig upang bigyan ng pagkakataon ang operator na ipaliwanag ang kanilang panig. Nagbabala rin ang ahensya na ang hindi pagdalo sa mga pagdinig o hindi pagsunod sa hinihingi ng SCO ay maaaring humantong sa kaukulang parusa, kabilang ang multang P5,000.


Mahalaga ang hakbang na ito dahil hindi simpleng usapin ng pagtatalo ang bastos na pagtrato sa isang pasahero. Araw-araw, libo-libong Pilipino ang umaasa sa mga bus upang makarating sa trabaho, paaralan at iba pang mahahalagang lakad. Marami sa kanila ang pagod na, nagmamadali at nagtitipid, kaya hindi na dapat dagdagan pa ng takot o sama ng loob dahil lamang sa maling asal ng mga taong pinagkatiwalaang maghatid sa kanila.


Dapat ding tandaan ng mga bus operator na hindi natatapos ang kanilang tungkulin sa pagpapasakay at paghahatid ng mga pasahero. Kabilang sa responsibilidad nila ang tiyaking maayos ang asal ng kanilang mga driver at konduktor. Kailangang magkaroon ng sapat na pagsasanay sa pakikitungo sa publiko, maayos na paghawak sa reklamo at pag-iwas sa anumang uri ng pang-aabuso.


Ang kalidad ng pampublikong transportasyon ay hindi lamang nasusukat sa bilis ng biyahe o ganda ng sasakyan, kundi pati sa paggalang na ipinapakita sa bawat pasahero. Hindi dapat kailangang magtiis ng mga commuter sa pagmumura at pangmamaliit para lamang makarating sa kanilang destinasyon. Ang bawat pasahero ay may karapatang bumiyahe nang ligtas, maayos at may dignidad. Dapat itong panindigan ng mga operator at tiyakin ng mga kinauukulang ahensya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page