Hamon kay bagong Customs Comm. Mendoza, ipakulong ang mga smuggler sa Aduana

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 18, 2026

MARCOS ADMIN ANG SIRA ANG IMAHE, HINDI ANG INANG BAYANG PILIPINAS, DAPAT ISALPAK IYAN NI CONG. SAN FERNANDO SA KANYANG KUKUTE — May kahambugan din naman pala talaga itong si Kamanggagawa partylist Rep. Eli San Fernando.
Sa halip kasi na mag-public apology siya sa mga Pilipino sa tinuran niyang "Fake Philippines," eh mantakin n'yong pinanindigan pa na kesyo sira naman daw talaga ang imahe ng Pilipinas.
Dapat isalpak ni Cong. San Fernando sa kanyang kukute na ang gobyernong Marcos ang sira ang imahe, hindi ang Pilipinas, na ang nais nating ipunto rito ay hindi siya sa Marcos gov't. dapat mag-sorry kundi sa mga Pinoy kasi wala namang "Fake Philippines" dahil mayroon naman bansa ang mga Pilipino at ito ay ang ating Inang Bayang Pilipinas, period!
XXX
DAPAT GAWING TESTIGO NG DEPENSA SI ATTY. PANELO SA IMPEACHMENT COURT KASI BAKA ITO PA ANG MAGING DAHILAN PARA MAABSUWELTO SI VP SARA —
Sa interview ni broadcast journalist Karmina Constantino kay former Presidential Legal Counsel, Atty. Salvador Panelo ay sinabi nito (Panelo) na honest mistake raw ang pagkakalagay ng GenCorp sa Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ni Vice President Sara Duterte, at nang magtanong ang broadcast journalist na kung puwede raw bang masabing honest mistake ang dalawang beses na pagkakalagay ng kumpanyang ito sa SALN ng Bise Presidente, ang sagot ni Atty. Panelo ay puwede raw kahit gaanong karaming honest mistake.
Sa tinuran na ito ni Atty. Panelo ay dapat yata isa ito sa kuning testigo ng depensa, na kapag sa gagawing paliwanag nito tungkol sa isyung honest mistake ay kapag nakumbinse ang mga senator-judges ay baka siya pa ang maging susi para iabsuwelto ng impeachment court si VP Sara, boom!
XXX
KAHIT MAGULO ANG TAKBO NG PULITIKA SA ‘PINAS NAKITA PA RIN NG GAWAD DANGAL FILIPINO NA HINDI NAGPAPABAYA SI SEN. BONG GO SA KANYANG TUNGKULIN SA BANSA — Nakatanggap na naman ng award si Sen. Bong Go at ito ay nang parangalan siya ng Gawad Filipino Awards bilang top performing, most trusted senators in the Philippines.
Ibig sabihin niyan, kahit napakagulo ang takbo ng pulitika sa bansa, ay nakita ng mga bumubuo ng Gawad Dangal Filipino na hindi nagpapabaya si Sen. Bong Go sa pagtupad ng kanyang tungkulin bilang senador ng bansa, period!
XXX
SI NEWLY-APPOINTED CUSTOMS COMM. MENDOZA NA KAYA ANG MAKAPAGPAPAKULONG SA MGA KILALANG SMUGGLERS SA ADUANA? — Ngayong si Comm. Martin Mendoza na ang head ng Bureau of Customs (BOC), ang pangunahing misyon niya na dapat gawin ay kasuhan, ipahuli at ipakulong ang mga kilalang smugglers sa Custom na sina alyas "Gerry T," "Leah C," "Kimberly Gang," "Big Mama," "Tina U," "J. Diamante," "Paul T," "Manuel T," at "Andrew C."
Sa tuwing kasing magkakaroon ng imbestigasyon ang Senado patungkol sa mga smugglers sa Customs ay laging napapangalanan ang mga ito, pero after ng senate investigation ay balik ang mga ito sa kanilang raket sa aduana.
Kaya't ang tanong: Si Comm. Mendoza na kaya ang kauna-unahang naging Customs commissioner ang makapagpapakulong sa mga smugglers na ito sa Customs? Abangan!





Comments