Ayuda para sa mga PUV driver, ‘di lang pang-Metro Manila, dapat sa buong Pilipinas!
- BULGAR

- 3 days ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | March 24, 2026

Tama lang na palawakin pa ang pamamahagi ng ayudang pinansyal para sa mga tsuper, hakbang na hindi lamang dapat manatili sa Metro Manila kundi maramdaman din sa buong bansa.
Sa gitna ng sunud-sunod na oil price hikes, malinaw na ang mga driver ang isa sa mga pinakaapektadong sektor, kaya’t ang ganitong programa ay hindi luho kundi kinakailangang suporta para sa kanila.
Inanunsiyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na palalawakin nito ang distribusyon ng cash relief assistance sa mga public utility vehicle (PUV) drivers sa labas ng National Capital Region matapos ang Semana Santa.
Ayon sa DSWD, kasalukuyang inihahanda ang susunod na yugto ng implementasyon habang nagpapatuloy ang payout sa NCR.
Target ng ahensya na agad itong maisakatuparan pagkatapos ng Holy Week, bagama’t hinihintay pa ang kumpletong datos ng bilang ng mga driver sa iba’t ibang rehiyon upang mas maging organisado ang distribusyon.
Nauna nang namigay ang DSWD ng tig-P5,000 ayuda sa mga tricycle driver, at magpapatuloy ito para sa iba pang sektor ng transportasyon. Nakatakdang makatanggap ang 27,635 transport network vehicle service (TNVS) drivers, kasunod ang mahigit 21,700 jeepney drivers. Samantala, tinatayang 137,700 delivery riders ang makikinabang, pati na rin ang humigit-kumulang 27,600 motorcycle taxi drivers. Layunin nitong maibsan ang tumitinding epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa kanilang kabuhayan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Upang matiyak ang maayos na implementasyon, nagpapatupad ang DSWD ng mahigpit na beripikasyon, kabilang ang personal na pagdalo ng benepisyaryo at pagsusuri ng kanilang pagkakakilanlan. Layunin nitong maiwasan ang duplication at matiyak na ang tulong ay mapupunta sa tunay na nangangailangan.
Pinayuhan din ang mga tsuper na makipag-ugnayan sa kanilang local government units at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang masiguro ang kanilang inclusion sa listahan.
Sa mas malawak na perspektibo, hindi lamang mga tsuper ang tinutulungan ng pamahalaan. Ang Department of Transportation (DOTr) ay sumasaklaw sa taxi drivers, habang ang Department of Agriculture (DA) naman ay tumutugon sa pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda. Ipinapakita nito ang episyenteng aksyon ng iba’t ibang ahensya upang tugunan ang epekto ng krisis sa langis sa iba’t ibang sektor.
Kung tutuusin, mahalaga ang ayudang ito ngunit hindi ito pangmatagalang solusyon. Isa lamang itong pansamantalang sagot sa mas malalim na problema ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo. Gayunpaman, sa kasalukuyang sitwasyon, ito ay malaki ng tulong na direktang nararamdaman ng mga tsuper at kanilang pamilya.
Habang lumalawak ang saklaw ng ayuda, mas lumalapit din ito sa tunay na rason, ang hindi iwanan ang mga manggagawang Pilipino sa gitna ng krisis.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments