Altas, pinatalsik ang Blazers, swak sa Final 4

ni GA - @Sports | May 5, 2022

Nailusot ng University of Perpetual Help System DALTA Altas ang isang pambihirang panalo wala ang kanilang leading scorer na si Kim Aurin nang patalsikin ang College of St. Benilde Blazers sa bisa ng 76-64, kahapon sa pagtatapos ng play-in stage at makuha ang huling spot sa Final Four sa 97th season ng NCAA men’s basketball tournament “Stronger Together, Buo ang Puso” sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.
Pinatunayan ng Altas na kaya nilang gawan ng solusyon ang pagkakawala ng kanilang senior at star guard na si Aurin matapos magkaroon ng chickenpox bago ang laro. Natutong sumandal ang koponan sa kanilang nalalabing manlalaro at determinadong makabalik sa Final Four na nu'ng season 94 pa huling nakapasok. Sunod nilang makakatapat ang wala pang talo at defending champion na Letran Knights sa darating na Linggo na hawak ang twice-to-beat advantage.
Bumanat ang limang manlalaro sa double figures sa pangunguna ni John Abis sa 14pts, 5 rebounds, 5 assists at 1 block sa 6-of-7 shooting, katulong sina Jielo Razon na kumamada ng double-double sa 13 pts, 11 rebs, 3 assist, Jeff Egan sa 13pts, Cris Pagaran sa 12pts at JP Boral sa 11pts.
“Unang-una sa lahat du'n ako magpapasalamat du'n sa coach natin sa itaas, 'di kami pinabayaan sa misyon namin sa season 97. Sabi ko ipakita natin kung anong meron sa sistema natin, hanapin ang sistema at sumandal tayo du'n,” pahayag ni Perpetual rookie Coach Myk Saguiguit matapos ang laro.
“Minsan naghahanap kami ng magandang execution, na minsan dumarating kami sa ilang pagkakamali, pero we polish everything, sabi ko sa kanila playing against LPU, EAC and Arellano, 'yang CSB masarap kalaro kase well coached and everything, maganda 'yung ginagawa ni Coach Charles sa team.”
Mga laro sa Linggo (Mayo 8) FilOil Flying-V Centre Final Four: 12:00 n.t. – #1 Letran Knights vs. #4 Perpetual Help Altas: 3:00 n.h. – #2 Mapua Cadinals vs. #3 San Beda Red Lions.





Comments