Asian Games: Progella at Pagara pasok sa semis, Si-Pons nalaglag

by Gerard Arce @Sports News | October 1, 2026

Photo: Semifinalist na sina Progella at Pagara sa Asian Games. (pocmedia)
Nagpatuloy ang unbeaten run ng tambalan nina Khylem Harl Progella at Sofiah Shanine Pagara na umusad patungo sa semifinals ng women’s beach volleyball, habang hindi pinalad ang matagal na samahan nina Cherry Ann “Sisi” Rondina at Bernadeth Pons na masigurado ang All-Filipino matchup sa Aichi-Nagoya 20th Asian Games 2026 sa Hekinan Ryokuchi Beach Court.
Nagawang higitan nina Progella at Pagara ang hometown bet na sina Non Matsumoto at Ren Matsumoto sa iskor na 24-22, 22-20 upang umusad sa semifinals katapat ang Thai tandem na sina Taravadee Naraphornrapat Taravadee at Worapeerachayakan Kongphopsarutawadee na binawian sa hiwalay na quarterfinal match sina Rondina at Pons sa 17-21, 21-12, 15-13, na tumalo sa kanila sa 2025 Southeast Asian Games at Pingtung Open semifinals match nitong Hunyo sa Chinese Taipei.
Naitala nina Progella at Pagara ang kanilang ikalimang sunod na panalo matapos talunin ang Maldives, Mongolia at Hong Kong, China sa preliminary phase sa Pool G, habang muling tinalo ang isa pang Hong Kong duo sa round of 16. Susubukan ng University of Santo Tomas tandem na mabawian ang Thai tandem ngayong umaga sa ganap na alas-8:00 ng umaga (oras sa Pilipinas) sa Main Court.
Naging dikitan ang palitan ng puntos sa laban nina Progella at Pagara sa Japanese duo ng kamuntikang mawala ang panalo matapos hayaang mawala ang 19-16 na bentahe sa second set matapos madala sa tabla ang laro sa 19.
Subalit nanatiling matatag ang Pinay tandem na kinakitaan ng matibay na depensa ni Pagara ng butatain ang atake ng hapon na sinundan naman ng error ng Japan upang makausad sa semifinals sa unang pagkakataon, at inaasahang makapagbibigay ng gintong medalya sa bansa.
Tuluyan namang nagtapos ang kampanya ng “Si-Pons” na nakakuha ng panalo sa Pool E kontra Bangladesh, habang nasubok sa Kazakhstan sa sumunod na laro bago tinapos sa round of 16 ang Japan duo. Nakaabang din sa kabilang bracket ng semifinals match ang tapatan ng All-Chinese match nina Shuting Cao at Jie Dong kontra Xinyi Xia at Xu Yan.





Comments