80-anyos na nasawi dahil sa brownout, maging leksyon sana
- BULGAR

- May 18
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | May 18, 2026

Nakapanghihinayang isipin, kailan pa ba tuluyang matitiyak ang kaligtasan ng ordinaryong mamamayan tuwing may biglaang brownout, lalo na kung kalusugan at buhay na mismo ang nakasalalay? Masakit tanggapin na sa panahon ng modernong teknolohiya, may mga Pinoy pa ring nawawalan ng mahal sa buhay dahil lamang sa pagkawala ng kuryente—isang problemang matagal nang paulit-ulit na pinapasan ng taumbayan.
Muling naging sentro ng diskusyon ang usapin ng maayos at tuluy-tuloy na suplay ng kuryente matapos masawi ang isang 80-anyos na ama na umano’y hindi agad nakapag-nebulize dahil sa rotational brownout sa kanilang lugar. Ayon sa ulat, regular na gumagamit ng nebulizer ang matanda tuwing alas-3 ng hapon upang makontrol ang kanyang asthma. Ngunit habang ginagamit niya ang aparato, biglang naputol ang suplay ng kuryente sa kanilang barangay.
Batay sa salaysay ng anak nito, inakala nilang panandalian lamang ang pagkawala ng kuryente kaya naghintay silang bumalik ito. Sa halip, umabot ng mahigit tatlong oras ang brownout. Bandang alas-6 ng gabi lamang naibalik ang serbisyo, dahilan upang muling makapag-nebulize ang matanda. Gayunman, tuluyan nang humina ang kanyang kondisyon at habang isinusugod sa ospital ay bigla itong bumagsak. Idineklara siyang dead on arrival.
Kasabay nito, ilang lugar sa Bohol, kabilang ang Tagbilaran City at mga bayan ng Baclayon, Loboc, at Panglao, ay nakaranas din ng hanggang 10 oras na pagkawala ng kuryente. Pinalala pa ito ng matinding init at mataas na demand sa elektrisidad sa Visayas. Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines, isinailalim sa yellow alert ang Visayas Grid mula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi dahil sa manipis na power reserve. Samantala, nanatiling normal ang kondisyon ng Luzon at Mindanao grids. Inaasahan ding makabalik sa operasyon ang isang planta sa Batangas upang makatulong sa suplay ng enerhiya.
Hindi lamang simpleng abala ang brownout para sa maraming Pilipino—ito ay maaaring maging usapin ng buhay at kamatayan, lalo na sa mga senior citizen at pasyenteng nakaasa sa kagamitang medikal na gumagamit ng kuryente. Sa bawat oras ng pagkawala ng elektrisidad, may mga pamilyang nangangamba, may negosyong nalulugi, at may pasyenteng nakikipaglaban para mabuhay.
Nagsisilbing paalala ang trahedyang ito na hindi dapat balewalain ang maayos na sistema ng enerhiya sa bansa. Kung tunay na prayoridad ang kapakanan ng mamamayan, kailangang magkaroon ng mas mabilis na aksyon, malinaw na abiso, at mas matatag na power supply upang hindi na muling may pamilyang mawalan ng mahal sa buhay dahil sa problemang matagal nang dapat nasosolusyunan.





Comments