6K traditional jeep, target gawing electric vehicle
- BULGAR

- Jun 6
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | June 6, 2026

Makakasabay na kaya ang mga ordinaryong tsuper sa modernisasyon, o baka naman muling taumbayan ang maiiwang nangangapa sa gitna ng pagbabago?
Habang patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at pamasahe, inilalatag ngayon ng gobyerno ang plano na gawing electric vehicles (EVs) ang libu-libong tradisyunal na jeepney bago matapos ang taon. Maganda itong pakinggan sa papel, ngunit para sa maraming Pinoy, mahalagang tanungin kung tunay bang handa ang sistema at kung sino talaga ang makikinabang.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), target nilang ma-convert sa electric vehicles ang humigit-kumulang 6,000 jeepney o limang porsyento ng tinatayang 120,000 pampasaherong jeep sa bansa bago matapos ang taon. Bahagi ito ng implementasyon ng Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA Law), na nag-uutos na hindi bababa sa limang porsyento ng public utility vehicles (PUVs)—kabilang ang jeepney, bus, taxi, tricycle, at TNVS—ay dapat nang lumipat mula sa tradisyunal na makina tungo sa electric technology.
Ayon sa isang opisyal, mas mabilis ang paglipat ng mga taxi sa electric vehicles, kung saan tinatayang nasa 10,000 EV taxis na ang kasalukuyang bumibiyahe. Samantala, nagsisimula na ring maghain ng aplikasyon ang ilang bus companies para sa hybrid fleets. Gayunman, wala pang 1,000 modernized electric jeepneys ang kasalukuyang nasa lansangan, isang indikasyong malayo pa ang tatahakin bago maging ganap ang pagbabago sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Bilang suporta sa transition, naglaan ang Department of Trade and Industry (DTI) ng pautang para sa mga operator sa ilalim ng E-Transport Loan Program sa pamamagitan ng Small Business Corporation. Maaaring umutang ng hanggang P1.5 milyon kada sasakyan, na may maximum na P3 milyon, payable hanggang limang taon. May isang taong grace period kung saan hindi muna kailangang magbayad ng principal at interes, habang 6.7 porsyento kada taon ang interest rate matapos ang ikalawang taon.
Ayon naman sa isang opisyal ng DTI, maaaring umabot sa 80 porsyento ang matitipid ng operators at drivers sa gastos sa gasolina kapag tuluyan nang nakalipat sa EVs.
Ngunit sa likod ng magandang layunin, hindi dapat mawala sa usapan ang realidad ng ordinaryong tsuper. Hindi sapat ang pautang kung mahirap pa ring bayaran, kulang ang charging stations, o limitado ang suporta ng gobyerno. Kapag hindi naging maayos ang pagpapatupad, baka modernisasyon lang ang umusad pero ang buhay ng mga driver ay manatiling hirap.
Hindi dapat maging simbolo ng dagdag-pasanin ang modernisasyon kundi tunay na pag-angat ng kabuhayan. Kung maipatutupad ito nang patas, praktikal, at makatao, posible itong maging daan hindi lamang sa mas malinis na transportasyon kundi sa mas maginhawang buhay ng tsuper at commuter. Dahil ang tunay na progreso ay hindi lang nasusukat sa bagong teknolohiya—kundi sa ginhawang nararamdaman ng ordinaryong Pinoy.





Comments