₱25K ahead grant, malaking tulong sa mga healthcare students
- BULGAR

- Jun 1
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | June 1, 2026

Hindi ba’t mas gumagaan ang loob ng pamilyang Pilipino kung ang pangarap na maging nurse, midwife, o health worker ay hindi mapuputol dahil lamang sa kakulangan sa pamasahe, uniporme, o panggastos?
Sa panahong mataas ang gastusin at maraming estudyante ang napipilitang huminto sa pag-aaral kahit may libreng tuition, tila nagbibigay ng bagong pag-asa ang inilunsad na ayuda para sa mga kumukuha ng kursong pangkalusugan—isang hakbang na maaaring magsilbing tulay sa pagitan ng pangarap at realidad.
Sa gitna ng patuloy na kakulangan ng healthcare workers sa bansa, inilunsad ng Commission on Higher Education (CHED), katuwang si Senador Bam Aquino, ang Allied Health Experiential Assistance for Deserving Students o AHEAD Grant upang matulungan ang mga nursing at allied health students na nahihirapan sa magastos na clinical training. Simula sa unang semestre ng Academic Year 2026–2027, makatatanggap ng one-time subsidy na P25,000 ang mga kwalipikadong estudyanteng naka-enroll sa Related Learning Experience (RLE) programs.
Ayon sa isang opisyal, isa sa pinakamalaking dahilan kung bakit maraming allied health students ang napipilitang tumigil sa pag-aaral ay ang mabigat na gastusin sa clinical duties sa mga ospital, health centers, at komunidad. Hindi sapat ang libreng matrikula kung hirap naman ang estudyante sa pang-araw-araw na pangangailangan tulad ng accommodation, transportasyon, internet, medical supplies, at maging ang uniporme habang nasa duty.
Saklaw ng programa ang 14 na priority allied health courses ng CHED, kabilang ang nursing, pharmacy, midwifery, physical therapy, respiratory therapy, radiologic technology, at iba pang kursong may kaugnayan sa medisina. Tinatayang nasa 485,000 estudyante ang naka-enroll sa mga kursong ito sa buong bansa, ngunit aabot lamang sa humigit-kumulang 19,000 benepisyaryo ang kayang pondohan ng kasalukuyang P500 milyong budget ng programa.
Upang maging patas ang pagpili, prayoridad ang mga estudyanteng naka-enroll sa RLE sa unang semestre ng 2026–2027, partikular ang mga malapit nang magtapos.
Kailangan ding hindi hihigit sa P1.2 milyon ang pinagsamang kita ng mga magulang. Dagdag puntos naman ang ilalaan sa mga kabilang sa vulnerable sectors tulad ng persons with disabilities, indigenous peoples, solo parents, at senior citizens.
Ibinunyag din na isinusulong ang pag-amyenda sa Republic Act No. 10931 o Free College Law upang maisama at ma-institutionalize ang RLE subsidy, na magbibigay-daan sa mas malaking pondo at mas maraming makikinabang sa hinaharap.
Dagdag pa rito, hindi umano makatarungan sa mga estudyanteng nagseserbisyo na sa ospital ay sila pang nahihirapang magbayad ng gastusin sa training.
Mahalaga ang programang ito hindi lamang para sa mga estudyante kundi para rin sa buong sambayanan. Kapag mas maraming kabataang natutulungang makatapos ng kursong pangkalusugan, mas lalaki ang posibilidad na magkaroon ng sapat na nurses, therapists, at healthcare professionals na magsisilbi sa mga ospital at komunidad.
Hindi sapat ang libreng edukasyon kung may mga nakatagong gastusing siyang nagiging dahilan ng paghinto ng pag-aaral. Ang tunay na malasakit sa edukasyon ay hindi lamang pagbubukas ng pinto sa paaralan, kundi pagtitiyak na may kakayahan ang estudyanteng makatawid hanggang pagtatapos. Kung magiging tuluy-tuloy at mapapalawak ang ganitong suporta, mas maraming pangarap ang hindi mapuputol—at mas maraming Pinoy ang maaaring maalagaan ng mga propesyonal na minsang nangarap lamang makatapos.





Comments