top of page
WINNER - SEN. ROBIN, NAKIPAGKAMAY NA KAY SEN. KIKO_FB Circulated.jpeg

259 gasolinahan, huwag kurakutin ang dapat na rollback para sa taumbayan

Writer: BULGAR
BULGAR
2 hours ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | November 25, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Sa gitna ng patuloy na pagtaas at pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo, hindi dapat basta-basta balewalain ang bawat sentimong ipinagkakait sa mga motorista at mamimili. Pinaghihirapan ng taumbayan ang perang ipinambibili ng gasolina at diesel, kaya nararapat lamang na matanggap nila ang buong bawas-presyong itinakda ng pamahalaan. Hindi makatarungan na may mga gasolinahang hindi sumusunod sa tamang rollback habang patuloy na nagtitipid ang mga ordinaryong mamamayan.


Dahil dito, nag-isyu ng show-cause order ang Department of Energy (DOE) laban sa 259 gasoline stations matapos matuklasang hindi ipinatupad ng mga ito ang itinakdang bawas-presyo sa loob ng tatlong magkakasunod na linggo. Nabatid ito sa serye ng inspeksiyong isinagawa ng kagawaran sa kasagsagan ng sunud-sunod na rollback, kung saan nakita umanong hindi tumugma ang aktuwal na pagbaba ng presyo sa halagang ipinag-utos.


Hindi dapat mauwi sa babala lamang ang naturang paglabag. Ayon sa DOE, maaaring patawan ng mabigat na parusa ang mga mapatutunayang hindi sumunod, kabilang ang suspensiyon ng kanilang Certificate of Compliance (COC). Kapag nasuspinde ito, agad na ipagbibigay-alam sa kaukulang local government unit (LGU) upang mapagpasyahan kung kinakailangan nang ipasara ang apektadong istasyon.


Mahalaga ang mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran dahil hindi lamang ang mga motorista ang naaapektuhan ng presyo ng langis. Kapag hindi naipapasa sa mga mamimili ang nararapat na rollback, nananatiling mataas ang gastos sa pamasahe, paghahatid ng mga produkto at pagpapatakbo ng maliliit na negosyo. Maaaring madagdagan ang presyo ng mga bilihin at mas lalong mabigatan ang mga pamilyang kapos na sa badyet.


Samantala, nilinaw ng DOE na hindi pa tiyak kung maibabalik ang presyo ng petrolyo sa antas bago ang digmaan. Bagama’t may pagbaba sa pandaigdigang presyo ng krudo, patuloy na nakaaapekto sa lokal na halaga ang gastusin sa transportasyon, insurance premiums at palitan ng piso kontra dolyar. Dahil dolyar ang ginagamit sa pag-angkat ng langis, nagiging mas magastos ito kapag mahina ang piso.


Sa ganitong sitwasyon, kailangang maging patas at malinaw ang bawat pagbabago sa presyo ng petrolyo. Dapat tiyakin ng DOE na nasusunod ang mga rollback at hindi napagkakaitan ng nararapat na bawas ang mga mamimili. Hindi sapat ang mag-anunsyo ng pagbaba ng presyo kung hindi naman ito nararamdaman sa mga gasolinahan. Ang tunay na proteksiyon sa taumbayan ay makikita sa mahigpit na pagbabantay, patas na pagpapatupad ng batas at pananagutan ng mga negosyong lumalabag. Sa panahong bawat piso ay mahalaga, walang gasolinahan na dapat kumita sa pamamagitan ng paglabag sa karapatan ng mamimili.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page