Height requirement sa pagpasok sa Bureau of Fire Protection

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 24, 2026

Dear Chief Acosta,
Gusto ko po sanang mag-apply bilang isang uniformed personnel sa Bureau of Fire Protection (BFP) pero medyo nag-aalangan po ako sa aking tangkad. May batas po ba na tumutukoy sa pamantayan ng katangkaran sa pagpasok sa BFP? Salamat po.
— Peter John
Dear Peter John,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 3 ng Republic Act (R.A.) No. 11549, na kilala rin sa tawag na “PNP, BFP, BJMP and BuCor Height Equality Act,” kung saan nakasaad na:
“Section 3. Section 4 of Republic Act No. 9263 is amended to read as follows:
"SEC. 4. Professionalization and Upgrading of Qualification Standards in the Appointment of Uniformed Personnel to the BFP and the BJMP. - No person shall be appointed as uniformed personnel of the BFP and the BJMP unless he/she possesses the following minimum qualifications: xxx
"(h) Must be at least one meter and fifty-seven centimeters (1.57 m.) in height for males and one meter and fifty-two centimeters (1.52 m.) for females: Provided, that a waiver for height and age requirements shall be automatically granted to applicants belonging to the cultural communities/indigenous peoples; xxx”
Base sa nabanggit na probisyon ng batas, nakasaad na walang sinumang tao ang maaaring italaga bilang uniformed personnel sa Bureau of Fire Protection (BFP) maliban kung ang kanyang tangkad o sukat ng taas ay one meter and fifty-seven centimeters (1.57 cm.) para sa kalalakihan at one meter and fifty-two centimeters (1.52 cm.) naman para sa kababaihan. Karagdagan dito, awtomatikong ipagkakaloob ang waiver para sa mga kinakailangan sa taas at edad sa mga aplikante na kabilang sa cultural communities o mga katutubo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments