2 sundalo, niratrat sa ambush; mga akusado, napawalang-sala

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | October 26, 2026
ISSUE #416
Ang pagiging sundalo ay isa sa mga marangal na propesyon. Higit pa sa simpleng paglilingkod, buong tapang na iniaalay ng ating mga kasundaluhan ang kanilang buhay para sa kaligtasan at kapakanan ng bayan.
Hindi maikakailang mapanganib ang kanilang trabaho. Mula sa mahigpit na pagsasanay hanggang sa pagtupad sa mga misyong maaaring magdala sa kanila sa iba’t ibang lugar, kaakibat ng kanilang tungkulin ang mga panganib na nangangailangan ng tapang, disiplina, at kahandaang magsakripisyo.
Ang kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito, hango sa kaso na may pamagat na People of the Philippines vs. Felicidad Caparal y Loberiano @ “Kasamang Nancy” and Marites Coseñas y Pasa @ “Kasamang Inday” (G.R. 263278, February 26, 2025), ay tungkol sa malagim na peligro na kinaharap ng grupo nina Private First Class (PFC) Sardena at Menil, na tinuldukan hindi lamang ang kanilang umuusbong na karera bilang mga sundalo kundi ang kanila mismong oras sa mundong ito. Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng kanilang kuwento.
Magkahiwalay na Paratang para sa krimen na Murder ang inihain sa Regional Trial Court ng Catarman, Northern Samar (RTC) kaugnay sa pagkakapaslang kina PFC Sardena at PFC Menil na naganap noong ika-30 ng Disyembre 2002 sa isang barangay sa Catarman, Northern Samar. Ang mga inakusahan ay sina Felicidad, alyas “Kasamang Nancy,” at Marites, alyas “Kasamang Inday,” kabilang na ang iba pa nilang mga kasamahan na nananatiling at large.
Diumano, ang mga inakusahan, na armado ng M14 rifles, Garand, Armalite at mga baril ay nagsabwatan at nagtulungan nang may pagtataksil, malinaw na paghahanda at intensyong pumaslang, sa pananalakay at pananambang sa grupo ng Philippine Army na pinangunahan ni 2Lt. Ante at kabilang sina PFC Sardena at PFC Menil. Nagtamo ng mga malulubhang sugat sina PFC Sardena at PFC Menil na naging sanhi ng agaran nilang pagpanaw.
Tumayo bilang mga saksi para sa Tagausig sina Sgt. Mein, Sgt. Tobes at Roberto.
Batay sa testimonya ni Sgt. Mein, bandang alas-9:00 ng umaga, noong ika-30 ng Disyembre 2002, siya at sina 2Lt. Ante, Sgt. Tobes, PFC Sardena at PFC Menil ay umalis patungo sa Catubig, Northern Samar upang dumalo sa isang pagsasanay.
Sila ay lulan ng isang service vehicle na minamaneho ni PFC Menil. Diumano, sila ay patawid na ng tulay ng Hibabawgan nang biglang may sumabog na patibong sa harap ng kanilang sasakyan at tumambang sa kanila ang isang grupo ng mga hindi kilalang armadong indibidwal, na pinaniniwalaang mga miyembro ng New People's Army (NPA), at sila ay pinagbabaril. Dali-dali umano silang tumalon palabas ng sasakyan, ngunit tinamaan ng bala sa hita sina Sgt. Mein at PFC Sardena.
Nang makapagtago umano sila sa isang kanal, inutusan ni Sgt. Mein si PFC Sardena na humingi ng saklolo. Gumapang diumano si Sgt. Mein patungo sa tulay, ngunit nakita siya ng isang babae na nakaitim na damit at mayroong bitbit na isang M16 rifle. Sinipa umano siya nito. Isa pa umanong babae ang dumating at sumigaw ng “Huwag saktan ang mga sibilyan!”.
Diumano, nakatalon sa ilog si Sgt. Mein. Sumabay siya sa agos at nanatili roon nang 30 minuto. Lumabas lamang umano siya noong narinig niya ang boses ni 2Lt. Ante. Tumambad diumano sa kanya ang mga wala nang buhay na sina PFC Sardena, PFC Menil at isang nagngangalang Remegildo.
Sa tantya umano ni Sgt. Mein, isang oras ang itinagal ng putukan, subalit hindi niya matiyak kung nagpaputok ang lahat ng miyembro ng nasabing grupo dahil siya ay nagkubli sa kanal bago makatakbo at makatalon sa ilog. Diumano, nasa mataas na lugar ang armadong grupo, may limang metro ang layo sa kanya.
Makalipas ang pitong taon, kinilala umano ni Sgt. Mein ang babae na nakaitim na damit bilang si Kasamang Nancy, at ang babae na sumigaw bilang si Kasamang Inday.
Batay naman sa testimonya ni Sgt. Tobes, bandang alas-10:00 ng umaga ng ika-30 ng Disyembre 2002, noong sila ay nasa tulay na ng Hibabawgan, tinambangan ang kanilang sasakyan ng mga armadong indibidwal. Nakatakbo umano siya sa ilog, habang sina PFC Menil at PFC Sardena naman ay tumakbo sa kaliwang bahagi ng kalsada. May 30 minuto umano sila pinaputukan ng naturang grupo gamit ang mga malalakas na uri ng armas. Tinamaan diumano sina PFC Sardena at PFC Menil na naging sanhi ng kagyat na pagkasawi ng kanilang buhay.
Wala umanong armas si Sgt. Mein noong panahon na iyon at lubos silang nadaig, kung kaya’t hindi nila nakayanan ang naturang pag-atake. Sinubukan pa umanong habulin ng kanilang mga kasamahan ang mga naturang armadong indibidwal, subalit hindi na nakita pa ang mga ito.
Makalipas ang isang linggo mula nang maganap ang masalimuot na insidente, nagawa umanong pasukin ng Philippine Army, ang isa sa kanilang mga operasyon, ang isang bakante na kampo ng NPA. Narekober doon ang isang cassette tape na naglalaman diumano ng record ng naganap na pananambang, at isang notebook na mayroong listahan ng mga pangalan ng mga sangkot sa insidente.
Ika-20 ng Oktubre 2010, o halos walong taon mula nang maganap ang pananambang, dumalo si Sgt. Tobes sa isang pagdinig para sa ibang akusado. Doon, nakilala niya umano sina Kasamang Nancy at Kasamang Inday na kabilang sa mga indibidwal na responsable sa insidente ng pananambang at ang pangalan ng mga ito ay nakasaad sa notebook na narekober ng militar.
Batay naman sa testimonya ni Roberto, kilala niya ang samahan ng CPP/NPA sapagkat siya ay naging pinuno ng bahagi ng komite nito noong taong 1978. Siya rin ay naitalaga sa iba’t ibang mga posisyon, ang pinakahuli ay bilang Tagapangulo ng Eastern Visayas Regional Provincial Committee. Diumano, dumalo siya sa malaking pagpupulong ng nasabing komite na ginanap noong ika-15 ng Oktubre 2002. Doon ay nakilala niya umano ang isang pinuno na mayroong mataas na ranggo na nagngangalang Mariano na nagpakilala sa kanya kina Kasamang Nancy at Kasamang Inday.
Pagsamo naman ng kawalan ng kasalanan ang iginiit nina Felicidad at Marites sa hukuman ng paglilitis.
Batay sa testimonya ni Felicidad, siya ay nasa San Rafael, Bulacan, kasama ang kanyang live-in partner na si Leonardo, noong alas-10:00 ng umaga ng ika-30 ng Disyembre 2002. Doon diumano sila naninirahan at lumipat lamang sila sa Maynila noong taong 2008 nang magtrabaho siya bilang tagapangasiwa ng isang non-government organization.
Mariin niyang itinanggi na siya si alyas “Kasamang Nancy”.
Diumano, “Fe” o “Fidad” ang kanyang palayaw at kailanman ay hindi niya ginamit ang palayaw na “Nancy”, at hindi rin umano siya miyembro ng NPA.
Samantala, mariin ding itinanggi ni Marites na sangkot siya sa insidente ng pananambang. Diumano, noong oras at petsa ng sinasabing insidente ay abala siya sa pag-aalaga sa kanyang mga anak sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Nara, Catarman.
Hindi umano siya kilala bilang “Inday” o “Kasamang Inday” sapagkat ang kanyang palayaw ay “Ningning”. Isinangkot lamang diumano siya sa naturang insidente sapagkat ang kanyang hiniwalayang asawa ay pinaghihinalaang mataas na opisyal ng NPA.
Isinalaysay rin nina Felicidad at Marites na noong ika-27 ng Enero 2009, sila ay hinila at sapilitan na isinakay ng mga militar sa loob ng isang pampasaherong bus at dinala sa kampo ng militar sa Catarman. Diumano, nakapiring ang kanilang mga mata at nakatali ang kanilang mga kamay habang sila ay pilit na pinapaamin. Nanatili umano sila sa nasabing kampo hanggang ika-3 ng Pebrero 2009 nang sila ay ipinrisinta sa media. Kinabukasan diumano, ibinalik silang muli sa kampo. Matapos ay ipinrisinta sila sa hukuman at ipinadala na sa bilangguan.
Sa ibinabang Desisyon ng RTC, guilty para sa two counts ng Murder sina Felicidad at Marites.
Para sa hukuman ng paglilitis, sapat na kinilala ng mga saksi ng Tagausig na kabilang sina Felicidad at Marites sa grupo na may kapanagutan sa marahas na pagkakapaslang kina PFC Sardena at PFC Menil. Sila ay hinatulan na makulong sa parusang reclusion perpetua at pinagbabayad ng mga danyos para sa mga naulila ng mga sundalong biktima.
Naghain ng Motion for Reconsideration sina Felicidad at Marites, subalit ito ay ibinasura ng RTC. Kung kaya’t naghain sila ng apela sa Court of Appeals. Pinagtibay ng hukuman ng mga apela ang hatol ng RTC, minodipikahan lamang ang halaga ng mga danyos para sa mga naulila nina PFC Menil at PFC Sardena.
Sa tulong at representasyon ng PAO-Special and Appealed Cases Service, iniangat nina Felicidad at Marites ang kanilang pagsamo ng kawalan ng kasalanan sa Kataas-taasang Hukuman. Iginiit ng Depensa na mayroong makatuwirang pagdududa sa alegasyon ng partisipasyon ng mga akusado sa naganap na pananambang. Hindi umano tiyak na natukoy ng mga saksi ng Tagausig na kabilang ang mga akusado sa armadong grupo na responsable sa naganap na pananambang.
Partikular, hindi umano tumpak ang pagkakaalala ni Sgt. Mein sa mga katangian ng mukha ng mga salarin. Malabo rin umano na natandaan niya ang mukha ng mga ito sapagkat napakaraming pangyayaring sabay-sabay na nagaganap noong naturang insidente. Kaduda-duda rin diumano ang pagkilala na ginawa nina Sgt. Mein at Sgt. Tobes dahil sa tagal ng panahong lumipas mula nang maganap ang insidente at nang isinagawa ang pagkilala sa mga akusado.
Matapos ang mabusising pag-aaral sa kaso nina Felicidad at Marites, sumang-ayon ang Kataas-taasang Hukuman na mahina ang ebidensya na ipinrisinta ng Tagausig kaugnay sa pagkakakilanlan ng mga akusado bilang mga salarin sa krimen.
Ipinaalala ng Kataas-taasang Hukuman na hindi sapat na mapatunayan lamang ng Tagausig nang higit pa sa makatuwirang pagdududa ang bawat elemento ng krimen. Bagkus, ang pangunahing tungkulin ng Tagausig ay ang patunayan ang pagkakakilanlan ng akusado bilang salarin sa krimen.
Naging kapuna-puna sa Korte Suprema na ang isinagawang out-of-court identification ni Sgt. Mein kina Felicidad at Marites ay naganap pitong taon makalipas ang insidente ng pananambang, habang walong taon naman ang lumipas nang isagawa ang pagkilala ni Sgt. Tobes sa mga akusado. Hindi maisantabi ng Kataas-taasang Hukuman ang tagal ng panahon na lumipas, na nagdulot ng kakulangan sa pagkakaasahan sa testimonya ng pagkilala ng mga nasabing saksi.
Pagpapaalala ng Korte Suprema, kinakailangan na maging lubos na maingat ang Hukuman sa pagsasaalang-alang ng pagkilala na isinagawa makalipas ang maraming taon. Ito ay naaayon sa makatuwirang pag-aalinlangan na inaasahan sa mga korte sa mga kasong kriminal, kung saan tungkulin ng tagausig na patunayan ang pagkakasala ng taong inaakusahan nang lampas pa sa makatwirang pagdududa.
Pinuna rin ng Kataas-taasang Hukuman ang katotohanan na walang ginawang paunang paglalarawan sina Sgt. Mein at Sgt. Tobes sa sinasabing mga salarin bago naganap ang naturang out-of-court identifications sa dalawang akusado.
Maliban sa naging pahayag ni Sgt. Mein na nakaitim na damit ang isa sa mga salarin, wala na umano siyang naibigay na iba pang paunang paglalarawan na mag-uugnay sa mga akusado, tulad ng mukha at boses ng mga salarin, marka at iba pang pisikal na katangian na maaaring magbukod sa mga salarin sa iba pang mga tao. Ang kakulangan ng nasabing paunang paglalarawan ay nagdulot ng kawalang katiyakan sa pagkilala ng mga saksi sa mga akusado bilang mga kasabwat sa naganap na pananambang.
Hindi rin nakumbinsi ang Kataas-taasang Hukuman na nagkaroon sina Sgt. Mein at Sgt. Tobes ng sapat na pagkakataon na makita ang mga salarin noong nagaganap ang insidente. Mayroong pagdududa ang Kataas-taasang Hukuman sa antas ng atensyon ng dalawang saksi kung isasaalang-alang diumano ang panahon ng kanilang pagkikita, pati na rin ang antas ng tensyon at karahasan noong nagaganap ang pananambang.
Para din sa Kataas-taasang Hukuman, maaaring naimpluwensyahan ng pagpapahiwatig o pagmumungkahi ang isinagawa na pagkilala ng naturang mga saksi sa mga akusado. Noong ipinrisinta sina Felicidad at Marites kay Sgt. Mein upang kanyang kilalanin ang mga ito kung sila nga ba ay kabilang sa mga miyembro ng NPA na responsable sa pananambang, dadalawa lamang sina Felicidad at Marites na naroon sa kampo ng militar. Kung kaya’t maaari, sinadya man o hindi, na nakondisyon ang isipan ni Sgt. Mein na isipin na ang dalawa nga ay kasama sa armadong grupo.
Ang pagkilala naman ni Sgt. Tobes kina Felicidad at Marites ay kanyang ibinatay sa notebook na narekober ng militar, kung saan nakasulat diumano ang pangalan ng dalawa, at hindi sa kanya mismong personal na pagkakaalala.
Nilinaw ng Kataas-taasang Hukuman na sila ay nakikiramay sa pagpanaw ng dalawang biktima. Gayunman, ang mga depekto sa antas ng atensyon at kawalan ng paunang paglalarawan ng mga saksi ng Tagausig, ang pagkakaroon ng posibilidad ng pagpapahiwatig o pagmumungkahi sa pagkilala sa mga akusado bilang mga salarin, at ang mahabang panahon na lumipas mula nang maganap ang insidente at ang isinagawang pagkilala sa mga akusado ay lubos na kapansin-pansin para balewalain sa pagsusuri ng mga testimonya ng mga nasabing saksi.
Kung kaya’t minarapat ng Kataas-taasang Hukuman na baliktarin ang Desisyon ng Hukuman ng mga Apela at igawad kina Felicidad at Marites ang hatol ng pagpapawalang-sala. Ang nasabing Resolusyon ay naging final and executory noong ika-26 ng Pebrero, 2025.
Bagamat kinikilala ng ating hukuman ang tapang, dedikasyon at sakripisyo ng mga biktimang sundalo, kanila ring kinikilala ang karapatan ng bawat akusado na maipagpalagay na walang sala hanggang sa ang naturang pagkakasala ay mapatunayan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.
Dalangin namin na magkaroon ng higit na matibay na ebidensya na tiyak na magtutukoy sa mga totoong responsable sa hindi makataong pananambang na naganap noong ika-30 ng Disyembre 2002 sa Catarman, Northern Samar, maging sa iba pang karahasan bunga ng rebelyon. Gayunman, kami ay nananalangin na magkaroon ng katahimikan ang kaluluwa nina PFC Menil at PFC Sardena.




Comments