top of page
TEKA NGA - KATHRYN, OBYUS NA WALA NANG GANANG UMARTE-FB Netflix.jpg

12 years kulong sa nagpapakalat ng fake news

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 5
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | June 5, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Hanggang saan ang laban kontra-fake news kung pati ordinaryong mamamayan ay posibleng madamay sa takot na magsalita? 


Ito ngayon ang usaping bumabagabag sa maraming Pinoy matapos aprubahan ng Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas laban sa pagpapakalat ng maling impormasyon sa digital media. Sa isang banda, tila matagal na itong hinihintay upang masawata ang mga mapanlinlang na content online. Ngunit sa kabilang banda, may pangamba rin kung paano ito maaaring makaapekto sa malayang pagpapahayag ng taumbayan.


Sa botong 286 pabor, 3 tutol, at walang abstention, inaprubahan ng House of Representatives ang House Bill 9465 o Digital Media Anti-False Information Act, isang panukalang naglalayong parusahan ang sinumang mapapatunayang sadyang lumilikha, nagpapalaganap, o sumusuporta sa maling impormasyong may layuning magdulot ng pinsala sa publiko o seryosong banta sa pambansang seguridad.


Sa ilalim ng panukala, maaaring maharap sa anim hanggang 12 taong pagkakakulong at multang P500,000 hanggang P2 milyon ang mga mapapatunayang kusang gumagawa, nagpopondo, nag-uutos, o may mahalagang papel sa pagpapakalat ng mapanlinlang na impormasyon. Saklaw din nito ang paggamit ng artificial intelligence (AI) sa paggawa ng pekeng larawan, video, at audio na inilalabas nang walang malinaw na pabatid at may layuning linlangin ang publiko.


Ayon sa isang mambabatas, hindi umano target ng batas ang kritisismo, oposisyon, pamamahayag, akademikong diskurso, paniniwalang panrelihiyon, whistleblowing, o simpleng pagkakamali. Iginiit niyang mataas ang pamantayan upang mapanagot ang isang tao at hindi sapat ang simpleng opinyon upang makasuhan.


Mahalagang punto rin sa panukala na hindi agad mapaparusahan ang mga ordinaryong netizen sa simpleng pag-like, share, repost, o forward ng content. Kakailanganin pa ring patunayan ng prosekusyon nang lampas sa makatwirang pagdududa na may sinadyang pakikilahok ang isang tao sa organisadong pagpapakalat ng disinformation.


Malaking usapin ito dahil araw-araw nang bahagi ng buhay ang social media bilang pangunahing pinagkukunan ng impormasyon. Kung magiging maayos ang pagpapatupad, maaari nitong mabawasan ang panlilinlang, scam, propaganda, at mapaminsalang kasinungalingan na nagdudulot ng takot, galit, at kalituhan sa publiko. Ngunit kung magkakaroon ng malabong interpretasyon o abuso sa pagpapatupad, posibleng magdulot ito ng pangamba sa mga ordinaryong mamamayan na magpahayag ng saloobin.


Malinaw na kailangan ng Pilipinas ng mas matibay na depensa laban sa maling impormasyon, lalo na sa panahon ng mabilisang pagkalat ng balita online. Gayunman, kailangang tiyakin na ang laban kontra-kasinungalingan ay hindi magiging dahilan upang masakal ang karapatang magsalita. Ang tunay na sukatan ng batas na ito ay hindi lamang kung gaano karami ang mapaparusahan, kundi kung paano nito mapoprotektahan ang katotohanan nang hindi isinasantabi ang kalayaan ng taumbayan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page