top of page

Zaldy Co susi para mapakulong si Cong. Romualdez, PBBM, desididong maibalik ito sa ‘Pinas

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 1, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PBBM, GUSTONG NANG MAPAKULONG SI CONG. ROMUALDEZ KAYA DESIDIDONG MAIBALIK SA ‘PINAS SI ZALDY CO – Maituturing na masamang pangitain para kay Martin Romualdez ang ginawang personal na pakikipag-usap ni Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. (PBBM) sa mga ambassador ng Czech Republic at France. Layunin umano ng pag-uusap na ito na maibalik sa Pilipinas si Zaldy Co, na nahaharap sa mga kasong plunder, malversation of public funds through falsification of public documents, indirect bribery, at graft kaugnay ng isyu sa flood control.


Ayon sa ulat, si Co umano ang itinuturing na “missing link” na maaaring maglabas ng mga ebidensyang mag-uugnay kay Romualdez sa sinasabing anomalya sa mga flood control projects.


Dahil dito, mas lumalakas ang pananaw na posibleng maging mabigat ang implikasyon nito kay Romualdez, lalo na kung makakapagbigay ng pahayag o ebidensya si Co na magdidiin sa kanya sa naturang isyu. Period!


XXX


BINAGO BA NG SC KAHULUGAN NG FORTHWITH PARA PABORAN SI VP SARA? – Pabor kay Vice President Sara Duterte ang naging pagbabago ng Supreme Court (SC) sa interpretasyon ng salitang “forthwith” sa impeachment na nakasaad sa Konstitusyon.

Ayon sa Konstitusyon, kapag naisampa na ng Kamara sa Senado ang Articles of Impeachment, dapat itong aksyunan ng mga senador “forthwith.” Sa karaniwang kahulugan sa diksyunaryo, ang “forthwith” ay tumutukoy sa “immediately” o “without delay,” ibig sabihin ay agad-agad.


Gayunman, sa desisyon ng 14 sa 15 mahistrado ng SC, binigyang-linaw na sa konteksto ng impeachment proceedings, ang “forthwith” ay hindi nangangahulugang agarang aksyon. Sa halip, ipinaliwanag na hindi ito dapat ipakahulugang minamadali ang proseso ng paglilitis.


Bagama’t hindi tuwirang sinasabi, lumalabas sa interpretasyong ito na hindi obligadong agad na isagawa ng Senado ang impeachment proceedings sa oras na matanggap ang Articles of Impeachment. Boom!


XXX


KUNG MAY DELICADEZA SI SEN. DELA ROSA, DAPAT MAGKUSA NA SIYANG HUWAG TUMANGGAP NG SUWELDO – Pinag-iisipan pa raw ni Sen. Ronald Dela Rosa kung iwi-waive niya ang kanyang suweldo o hindi muna tatanggap ng sahod hangga’t hindi pa siya pumapasok sa senado.


Sa totoo lang, kung may delicadeza siya, hindi na ito dapat pinag-iisipan pa. Dapat kusa na niyang hindi tanggapin ang suweldo, lalo na’t hindi maganda ang tingnan na madalas siyang absent pero buo pa rin ang natatanggap na sahod. Period!


XXX


LABOR DAY NA KAYA'T ASAHANG KALALAMPAGIN NA NAMAN NG MGA MANGGAGAWA SI PBBM PARA SA DAGDAG-SUWELDO – Labor Day na ngayon. Dahil dito, inaasahang muling kakalampagin ng mga labor organizations ang Marcos administration para sa dagdag-sahod ng mga manggagawa, lalo na sa gitna ng nararanasang krisis sa presyo ng krudo. Abangan!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page