top of page

Zaldy Co, ‘di raw nagka-kickback sa flood control project, weh?!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 17, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MAHIRAP PANIWALAAN NA HINDI NAGKA-KICKBACK SI ZALDY CO SA FLOOD CONTROL PROJECT DAHIL NAGKAROON SIYA NG SANGKATUTAK NA PRIVATE JETS AT HELICOPTERS -- Sa unang video na ‘pasabog’ ni former Cong. Zaldy Co na si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang nagpa-insert umano ng P100 billion sa Bicam ay naging hati ang opinyon ng publiko, may mga naniniwala at hindi naniniwala.


Pero sa ikalawang video na ‘pasabog’ ni Cong. Zaldy ay tuluyan siyang nawalan ng kredibilidad nang sabihin niyang wala raw siyang naging pakinabang, hindi raw siya nagkaroon ng kickback sa P100B "commission" sa mga flood control projects.


‘Ika nga, engot na lang ang maniniwala na hindi nagka-kickback sa flood control projects si Cong. Zaldy dahil nga nabulgar na mayroon siyang sangkatutak na air assets o mga private jets at mga helicopters, boom!


XXX


MATAPOS KAYA NANG MAPAYAPA ANG 3-DAY PROTEST, MA-PEOPLE POWER SI PBBM O MAGDEKLARA NG MARTIAL LAW ANG MARCOS ADMIN? -- Kahapon na (Nov. 16) nagsimula ang tatlong araw na protesta ng kapatiran ng Iglesia ni Cristo (INC) na magtatapos sa Nov. 18, 2025, at ang protestang ito ay tinapatan ng libu-libong pulis, sundalo at coast guard ng Marcos administration.


Dahil diyan, tatlong isyu ang inaabangan ng publiko rito, kung matatapos nang mapayapa ang 3-day protest, kung magkakaroon ng People Power para mapatalsik si PBBM bilang presidente ng bansa, at kung magdedeklara ng martial law ang Marcos admin kapag nagkaroon ng karahasan, abangan!


XXX


TILA MAY NAIS PAGTAKPAN ANG ICI KAYA HALOS 3 WEEKS NA HINDI NA NASUNDAN ANG IMBESTIGASYON NA NAGING DAHILAN KAYA PROMISE NA LIVE TELECAST O LIVE STREAMING HINDI MAIPATUPAD -- Noong October 22, 2025 ay nangako si Independent Commission for Infrastructure (ICI) Chairman Andres Reyes na ang mga susunod daw nilang hearing sa flood control projects ay isasapubliko na nila sa pamamagitan ng live telecast at live streaming, pero halos tatlong linggo na ang nakakalipas ay hindi na nasundan ang imbestigasyon ng ICI sa flood control scandal.


Isa lang ang ibig sabihin niyan kaya hindi na nagsasagawa ng hearing ang ICI, ‘pang-uunggoy’ lang sa mamamayan ang ipinangako nilang isasapubliko na nila ang kanilang imbestigasyon, na ayaw talaga nilang i-live telecast at live streaming ang ICI hearing, na ‘ika nga tila meron talaga silang gustong pagtakpan sa imbestigasyon ng flood control projects, pwe!


XXX


TOTOO KAYA O FAKE NEWS NA PATI RAW SI SEN. IMEE NANANAWAGAN KAY PBBM MAG-RESIGN? -- May kumakalat sa social media na maging si presidential sister, Sen. Imee Marcos ay nananawagan na rin sa kanyang kapatid na si PBBM na mag-resign na bilang pangulo ng bansa.


Sa ngayon ay hindi pa malaman ng publiko kung totoo o fake news ang panawagang ito ni Sen. Imee, pero kung sakaling totoo ay isa lang ang ibig sabihin niyan, na kahit ang senadorang kapatid ng Presidente ay hindi na nagugustuhan ang pamumuno ni PBBM sa ‘Pinas, period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page