top of page

Zaldy Co, dapat nasa City Jail na kung walang biyaya ni Romualdez

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 15
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 15, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SA BAGONG RULING NG SC SA IMPEACHMENT, 'SUNTOK SA BUWAN' NA MA-IMPEACH SINA PBBM AT VP SARA – Sa bagong ruling ng Supreme Court (SC) kaugnay ng impeachment, tila “suntok sa buwan” na ang ma-impeach sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) at Vice President Sara Duterte, dahil kapwa sila may matitibay na kaalyado sa Kamara.


Noong Hulyo 25, 2025, ipinatigil ng SC ang impeachment proceedings laban kay VP Sara matapos umanong labagin ng House of Representatives (HOR) ang tinatawag na one-year bar rule, na nagsasaad na isang impeachment case lamang ang maaaring tanggapin ng Kamara laban sa isang opisyal sa loob ng isang taon.


Batay sa desisyon ng Korte Suprema, may ilang civil society groups na nagsampa ng impeachment complaints laban sa bise presidente noong Disyembre 2, 4, at 19, 2024. Pagkaraan nito, nagsumite rin ang mayorya ng mga kongresista ng Articles of Impeachment noong Pebrero 5, 2025.


Iginiit ng Kamara na hindi nila inaksyunan ang mga reklamong inihain noong Disyembre at iisa lamang ang opisyal na impeachment case—ang Articles of Impeachment na isinumite noong Pebrero 5, 2025—na ipinadala sa Senado bilang impeachment court. Gayunman, pinabulaanan ito ng SC at sinabi na kahit hindi inaksyunan ang mga naunang reklamo, kabilang pa rin ang mga ito sa bilang ng impeachment cases dahil tinanggap ang mga ito ng HOR.


Ang punto rito: kung may magsampa ng impeachment complaints laban kina PBBM at VP Sara sa mga susunod na buwan, at muling may ihain na impeachment cases sa Marso 2026 na tatanggapin ng Kamara, wala ring mangyayaring impeachment proceedings. Muli lamang igigiit ng SC na nilabag ang one-year bar rule.

Sa madaling sabi—“tapos ang boksing.” Boom!


XXX


KUNG HINDI SANA BINIGYAN NG NOO'Y SPEAKER ROMUALDEZ NG TRAVEL AUTHORITY SI ZALDY CO, DAPAT NAKAKULONG NA ITO NGAYON SA CITY JAIL – Nahihirapan ang Marcos administration na dakpin ang puganteng si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa Portugal dahil walang extradition treaty ang Pilipinas sa nasabing bansa.


Kung hindi sana binigyan noon ni dating Speaker Martin Romualdez ng travel authority si Zaldy Co, malamang ay nakakulong na ito ngayon sa city jail. Period!


XXX


KUNG WALANG AAWAT, MALAMANG NON-STOP ANG BANGAYAN NINA SEN. LACSON AT SEN. IMEE KASI PAREHO SILANG TAKLESA – Tuloy ang bangayan nina Senate President Pro Tempore Ping Lacson at Minority Sen. Imee Marcos hinggil sa pork

barrel at allocable insertions sa 2026 national budget.


Kung walang papagitnang aawat, malamang ay magtuloy-tuloy ang kanilang patutsadahan, lalo’t kapwa taklesa sina Sen. Lacson at Sen. Imee. Boom!


XXX


DAPAT BUWAGIN NA ANG ICI KASI WALA NA PALA ITONG SILBI – Inamin ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na mabagal ang usad ng imbestigasyon sa umano’y flood control scandal dahil sa kakulangan ng mga komisyoner, matapos magbitiw sa puwesto sina Engr. Rogelio Singson at Accountant Rosanna Fajardo.


Kung ganito ang kalagayan, tila wala nang silbi ang ICI kaya’t nararapat nang buwagin ito agad ni PBBM. Period!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page