Zaldy Co, bayani ng DDS kung mai-impeach si PBBM
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 31, 2026

NIRERESPETO RAW NG MGA CONG. AT SEN. ANG DESISYON NG SC NA PUMABOR KAY VP SARA, PERO PANAY PA RIN SATSAT LABAN SA KORTE SUPREMA – Bagamat nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang kongresista at senador sa pinal na desisyon ng Supreme Court (SC) na nagbasura sa impeachment complaint na inihain noong Pebrero 5, 2025 laban kay Vice President Sara Duterte—dahil sa paglabag ng Kamara sa one-year bar rule—iginiit ng mga mambabatas na nirerespeto nila ang naging pasya ng Korte Suprema.
Gayunman, sa kabila ng kanilang pahayag ng paggalang sa desisyong pumabor kay VP Sara, patuloy pa rin ang ilang kongresista at senador sa pagbibitiw ng mga puna laban sa SC. Boom!
XXX
INGAT DAPAT ANG SC SA MAGIGING DESISYON NILA SA PANIBAGONG IMPEACHMENT KAY VP SARA, ‘PAG NAPIKON NILA ANG MAJORITY CONGRESSMEN, BAKA PATI SILA AY IPA-IMPEACH – Ang idinahilan ng ilang kongresista sa kanilang pagkadiskuntento ay umano’y inamyendahan ng Supreme Court (SC) ang Konstitusyon upang paboran si Vice President Sara Duterte. Ayon sa kanila, wala raw sa Saligang-Batas ang naging pinal na desisyon ng 13 mahistrado na ituring na paglabag sa one-year bar rule ang mga impeachment complaint na inihain noong Disyembre 2, Disyembre 4, at Disyembre 19, 2024—kahit hindi naman umano ito tinalakay o inaksyunan.
Dagdag pa ng mga mambabatas, iginiit ng SC na ang impeachment complaint na inihain noong Pebrero 5, 2025 ay walang due process sa panig ni VP Sara dahil idineretso raw ito sa Senado nang hindi dumaraan sa House Committee on Justice. Para sa mga kongresista, malinaw naman umanong nakasaad sa Konstitusyon na maaaring magsampa ng maraming impeachment complaint laban sa isang impeachable officer, basta’t isang kaso lamang ang isusulong ng House Justice Committee sa Senado. At kung makakalap ang higit sa isang-katlong boto ng mga kongresista, maaari na itong direktang ihain sa Senado bilang impeachment court.
Sa Pebrero 6, 2026, maaari na umanong muling magsampa ng impeachment complaint laban kay VP Sara. Babala ng ilang mambabatas, nararapat umanong maging maingat ang SC sa mga susunod nitong desisyon dahil kung muli raw itong magpapasya nang wala sa itinadhana ng Konstitusyon, maaaring umabot sa punto na isama na rin ang mga mahistrado sa ipai-impeach—lalo’t malinaw na ang mga miyembro ng Korte Suprema ay kabilang sa mga impeachable officers ng pamahalaan, gaya ng napatunayan sa impeachment ng noo’y Chief Justice Renato Corona. Period!
XXX
KAPAG NA-IMPEACH SI PBBM SA PAMAMAGITAN NI ZALDY CO, TIYAK KAHIT NA ISA SIYANG SCAMMER, ITUTURING SIYANG BAYANI NG MGA DDS –Ayon kay dating kongresista Mike Defensor, handa umanong maging state witness si dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co sa impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM).
Kung sakaling sa pamamagitan ni Zaldy Co ay ma-impeach si PBBM, tiyak na ituturing na bayani ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) ang umano’y scammer na si Co. Boom!
XXX
MABUTI NA LANG MALINIS SI CALINISAN KAYA ANG SUHOL DAW NI ATONG ANG PARA ILUSOT SA KASO ANG MGA PARAK NA SANGKOT SA MISSING SABUNGEROS, TABLADO – Pinangalanan na ni Napolcom Chief Ralph Calinisan si Charlie “Atong” Ang bilang umano’y nagpadala ng emisaryo sa kanya noon upang suhulan siya at ilusot sa kaso ang mga pulis na nasangkot sa pagdukot at pagpatay sa mga missing sabungeros. Gayunman, tinabla raw ni Calinisan ang alok na suhol at itinuloy ang pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot na parak.
Mabuti na lamang at nanatiling malinis si Calinisan—hindi siya nabili ni Atong Ang. Palakpakan naman d’yan!








Comments