top of page

Witness, hindi sumipot; hustisya ‘di nakamit

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 30
  • 5 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Aug. 30, 2025



ISSUE #364


Sadyang napakahalaga ng pagkakaroon ng ebidensya sa pagsusulong ng anumang uri ng kaso upang makamtan ang hustisya. 


Ebidensya ang pangunahing sumusuporta sa pagtaguyod ng katotohanan. Mga alegasyon ng magkabilang partido ay maaaring magkasalungat man, subalit sa tulong ng ebidensya ay maipaglalaban ang kanilang mga karapatan.


Partikular, sa pagsusulong ng kasong kriminal para sa mga biktima, ebidensya laban sa inaakusahan na salarin ang kinakailangang maiprisinta upang maitaguyod ang kasalanan ng inaakusahan nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.


Ang kuwentong aming ibabahagi sa araw na ito ay tungkol sa pamamaslang sa biktimang nagngangalang Jose, hango sa kasong kriminal na People of the Philippines vs. Antonio Dela Rosa y Perdes (Criminal Case No. S-6386, October 15, 2009). 


Sa kasamaang-palad, ang hustisya para sa kanyang kaluluwa ay hindi naigawad. Saan kaya nagkulang? Iyan ang sama-sama nating alamin at tunghayan.


Diumano, si Jose ay marahas na binaril noong ika-12 ng Mayo 2003, sa isang barangay sa Sta. Maria, Laguna. 


Ang bala na tumama sa kanyang ulo ang naging sanhi ng kanyang kagyat na pagpanaw.

Si Antonio ang pinaratangan na walang-awang pumaslang kay Jose. 

Kasong homicide ang inihain laban sa kanya sa Regional Trial Court ng Siniloan, Laguna (RTC Siniloan, Laguna). 


Agad siyang naaresto, gayunpaman, siya ay naghain ng petisyon upang makapagpiyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan, na pinahintulutan ng hukuman ng paglilitis.


“Not guilty,” ang naging pagsamo ni Antonio sa hukuman. Mariin niyang itinanggi ang paratang laban sa kanya.


Sa pre-trial ng kaso, kapwa nagsumite ang tagausig at depensa para sa pagmamarka ng kani-kanilang ebidensya. 


Sa bahagi ng tagausig, partikular na minarkahan bilang Exhibit “A” ang sinumpaang salaysay ng isang nagngangalang Ruben; Exhibit “B”, ang sinumpaang salaysay ng naulila na maybahay ni Jose na si Carmelita; Exhibit “C”, ang death certificate ni Jose; Exhibit “D”, ang mga larawan ni Jose; at Exhibits “E” at “F”, ang medico-legal certificate at anatomical sketch na inihanda ni Dr. Tamares.


Para naman sa depensa, sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan D.A. De Guia ng aming PAO-Siniloan, Laguna District Office, minarkahan ang sagot na salaysay ni Antonio bilang Exhibit “J”, at Exhibit “2” naman ang salaysay ni Yolanda, asawa ni Antonio.


Nang litisin na ang kaso laban kay Antonio, tanging dalawang saksi lamang ang tumestigo sa harap ng hukuman – sina Carmelita at Dr. Tamares. 


Si Carmelita ay tumestigo kaugnay lamang sa sibil na aspeto ng kaso, habang si Dr. Tamares ay tumestigo kaugnay sa nilalaman ng medico-legal certificate at anatomical sketch nang kanyang suriin ang bangkay ng biktima. 


Si Ruben, na diumano ay nakasaksi sa naganap na pamamaril sa biktima, ay makailang beses na pinadalhan ng subpoena upang humarap sa hukuman at kilalanin at patotohanan ang nilalaman ng kanyang sinumpaang salaysay. 


Siya ay pinadadalo sa pagdinig na itinakda noong ika-26 ng Abril 2006 sa bisa ng kautusan ng RTC Siniloan, Laguna, na may petsang ika-18 ng Abril 2006, ngunit hindi siya dumating. 


Ika-29 ng Nobyembre 2006, ipinag-utos ng hukuman ng paglilitis ang muling pagpapadalo kay Ruben sa pagdinig na itinakda sa ika-23 ng Enero 2007, subalit hindi siya dumalo.


Ika-7 ng Agosto 2007, ipinag-utos na ng hukuman ng paglilitis ang pag-aresto kay Ruben upang siya ay mapilitang dumalo sa susunod na pagdinig, ngunit hindi pa rin ito dumalo sa pagdinig. Gayundin sa pagdinig na itinakda ng ika-2 ng Abril 2008 ay muling hindi nagpakita sa hukuman si Ruben. 


Sa huling pagkakataon na ibinigay ng hukuman sa tagausig na padaluhin ang naturang saksi sa pagdinig na itinakda noong ika-8 ng Oktubre 2008 ay walang Ruben na sumipot.

Ika-23 ng Hunyo 2009 ay pormal nang isinumite ng tagausig ang kanilang mga minarkahang ebidensya sa hukuman, na mariin na tinutulan ng depensa partikular na ang sinumpaang salaysay ni Ruben. 


Giit ng depensa, hindi umano wasto na kinilala ang naturang salaysay, kung kaya’t hindi ito maaaring magamit laban kay Antonio. Pinahintulutan ng hukuman ang pagtanggap sa Exhibits “B” hanggang “F”, ngunit hindi ang Exhibit “A”. Kaugnay ng nasabing pagtutol, pormal na naghain ang depensa ng Demurrer to Evidence noong ika-14 ng Hulyo 2009.

Makalipas ang 6 na taon at halos 5 buwan mula nang maganap ang insidente ng pamamaril na kumitil sa buhay ni Jose, nakalulungkot na hindi naipagkaloob sa kanyang kaluluwa ang inaasam na hustisya. 


Ipinaalala ng hukuman ng paglilitis na sa ilalim ng ating Batas Kriminal, ang ebidensya ng pagkakasala ng inakusahan na higit pa sa makatuwirang pagdududa ay lubos na napakahalaga. Hindi ganap na katiyakan lamang ang kailangan ng hukuman upang mahatulan ng maysala ang inaakusahan. Bagkus, ang kailangan ng hukuman ay moral na katiyakan, iyong magbubunga ng pananalig sa pag-iisip ng isang tao na walang kinikilingan. At ang merong pasanin ng pagtataguyod ng naturang pagkakasala ng inakusahan ay sa tagausig nakaatang.


Matapos ang masinsinang pagsusuri ng hukuman ng paglilitis sa ebidensya ng tagausig, hindi nakitaan ng moral na katiyakan na merong kinalaman si Antonio sa pamamaril kay Jose na sasapat upang gawaran siya ng hatol ng may pagkakasala.


Ipinaliwanag ng hukuman ng paglilitis na sa mga naisumite na ebidensya, ang tanging ebidensya na makatutulong sa pag-uusig laban kay Antonio ay ang testimonya ni Ruben na nagpahayag na diumano ay nasaksihan niya ang marahas na pamamaslang sa biktima. Subalit, sa kabila ng maraming pagkakataon na ibinigay ng hukuman sa nasabing saksi ay hindi nito kinilala at pinatotohanan ang nilalaman ng kanyang sinumpaang salaysay bunsod ng kanyang hindi pagdalo sa mga pagdinig. Dahil sa pagkukulang na ito sa pag-uusig ay hindi maaaring papanagutin si Antonio sa kriminal na responsibilidad sa pagkapaslang kay Jose.


Binigyang-diin ng hukuman ng paglilitis na, sabihin man na hindi na kinakailangan ang personal na testimonya ni Ruben at tinanggap ng hukuman ang kanyang sinumpaang salaysay, hindi pa rin kakumbinsi-kumbinsi ang nilalaman nito. 


Naging kapuna-puna sa hukuman ng paglilitis na walang sapat at konkretong pahayag si Ruben na si Antonio ang siyang bumaril kay Jose. Bagkus, ipinahayag lamang ni Ruben sa kanyang sinumpaang salaysay na: (1) nagpunta siya sa bahay ni Antonio nang marinig niya ang putok ng baril; (2) sa daan ay nakita niya si Antonio at Yolanda palabas ng kanilang bahay; (3) sinambit ni Antonio ang mga katagang: “Kagawad, inuto ko na,” at matapos ay umalis na ang mag-asawang Antonio at Yolanda; at (4) pumasok siya sa nasabing bahay at nakita si Jose na nakahandusay sa sahig at may itak sa tabi nito. 


Hindi nakalampas sa mapanuring pag-iisip ng hukuman ng paglilitis na hindi man lamang binanggit ni Ruben sa kanyang salaysay kung meron bang hawak na baril si Antonio noong makita niya ito, kasama si Yolanda, palabas ng bahay.


Dahil dito, hindi nakumbinsi ang hukuman ng paglilitis na naitaguyod ng tagausig ang pagkakasala ni Antonio sa batas nang higit pa sa makatuwirang pagdududa. 

Kung kaya’t minarapat ng RTC Siniloan, Laguna na ipawalang-sala si Antonio. Ang desisyon na ito ng hukuman ng paglilitis ay ipinroklama noong ika-15 ng Oktubre 2009, at wala nang naihain na petition for review on certiorari upang kuwestyunin ang naturang desisyon.


Nakakalungkot isipin na, tulad ni Jose, marami ang mga biktima ng mga walang katuturan na karahasan sa ating lipunan na hindi nabibigyan ng angkop na katarungan, at ang isa sa mga sanhi nito ay ang kakulangan ng katibayan. 


Batid namin na sadyang hindi madali ang maging saksi, lalo na kung ito ay merong kaugnayan sa krimen. Subalit, sana ay hindi sila pangunahan ng takot at pangamba. Dalangin din namin na sila ay mabigyan ng pagkupkop ng Poong Maykapal upang hindi sila mapahamak sa kanilang pagtulong na maisiwalat ang katotohanan at makapaghatid ng katarungan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page