top of page

Wellness Leave Policy, good news sa mga titser at kawani

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 31 minutes ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | February 17, 2026



Boses by Ryan Sison


Karapatan ng ating mga guro at kawani ng edukasyon ang makaranas ng pahinga at malasakit mula sa institusyong kanilang pinaglilingkuran.


Sa pag-apruba ng Department of Education (DepEd) sa Wellness Leave Policy, kinikilala ng pamahalaan ang pagod at stress ng mga lingkod sa edukasyon bilang isyung may direktang epekto sa kalidad ng serbisyong pampubliko.


Sa ilalim ng DepEd Order No. 002, s. 2026, pinahihintulutan ang hanggang limang araw na taunang Wellness Leave para sa mga guro at non-teaching personnel—hiwalay sa vacation at sick leave—na maaaring gamitin para sa mental health care, pisikal na pangangatawan, o simpleng pahinga. Kasabay nito, nakabatay ang patakaran sa panuntunan ng Civil Service Commission (CSC) at sa Mental Health Act, na naglalayong lumikha ng mas mahabagin at suportadong lugar ng trabaho.


Binibigyang-diin ng CSC na ang pagbibigay-espasyo para sa pahinga at kalusugang pangkaisipan ng mga kawani ay nagpapatatag sa serbisyong pampubliko. Ayon kay Education Secretary, saklaw ng benepisyo ang lahat ng eligible personnel mula central office hanggang paaralan at community learning centers, anuman ang employment status—isang hakbang tungo sa inklusibong polisiya.


Maaaring kunin ang leave nang sunud-sunod hanggang tatlong araw o hiwa-hiwalay sa loob ng taon. Karaniwang kinakailangang mag-file ng limang araw bago gamitin, maliban sa emergency; hindi rin ito naiipon o nako-convert sa cash. Pinangangalagaan ang pagpapatuloy ng klase sa pamamagitan ng relievers at overload pay para sa substitute teachers, habang pinananatiling kumpidensiyal ang mental health records alinsunod sa Data Privacy Act.


Ang Wellness Leave ay hindi luho kundi pagkilala sa dignidad ng mga guro at kawani na araw-araw humuhubog sa kabataan. Kapag inaalagaan ang mga naglilingkod, mas nagiging matibay ang paaralan, mas maayos ang serbisyo, at mas handa ang susunod na henerasyon.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page