Walang lagpas-tao at lagpas-bahay na baha kung ‘di kinurakot ang pondo sa flood control
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 2, 2026

PARA HINDI NA MAGKAROON NG PAGKAKATAONG KUMANDIDATO ANG MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL, DAPAT BAGO SUMAPIT ANG 2028 ELECTIONS NAKAKULONG NA SILANG LAHAT — Hindi mangyayari ang lagpas-tao at lagpas-bahay na baha na naranasan ng taumbayan kung ang trilyun-trilyong pisong budget na inilaan sa flood control projects ay talagang sa mga proyektong ito napunta, ang masaklap ay karamihan sa pera na ‘yan ng bayan ay sa bulsa ng mga buwayang politicians napunta.
At ang nakakalungkot na katotohanan, malaki ang posibilidad na manalo pa rin sa 2028 elections ang mga buwayang politicians na 'yan.
Para hindi na sila magkaroon ng pagkakataong kumandidato, dapat bilis-bilisan ng Office of the Ombudsman ang pagpapakulong sa mga buwayang politicians na ‘yan sa pamamagitan ng pagsasampa ng kasong plunder, period!
XXX
P6.16 BILYONG PERA NG BAYAN, NASAYANG SA MGA SUBSTANDARD NA IMPRASTRAKTURA NA PININSALA NG HABAGAT — Inanunsyo ng Office of Civil Defense (OCD) na aabot sa higit P6.16 billion na halaga ng mga imprastraktura ang napinsala ng habagat.
Malamang, mga substandard ang mga imprastraktura na ‘yan, kasi kung hindi kinurakot ang bahagi ng budget d’yan ay hindi kayang pinsalain ‘yan ng habagat.
Ganyan kalaking pera ng bayan ang nasayang sa mga substandard na proyekto ng gobyerno, buset!
XXX
DOBLE-PERHUWISYO INABOT NG MGA MOTORISTA DAHIL SA FLOOD CONTROL SCANDAL, BINAHA NA, HINULI PA NG MGA TRAFFIC ENFORCERS — Dahil sa baha, napilitan ang ilang motorista na ihinto ang kanilang mga sasakyan sa gilid ng kalsada upang magpahupa ng baha, ang masaklap nang dumating ang mga traffic enforcers ay hinuli ang mga driver, tiniketan at nilagyan ng clamp ang mga behikulo.
Ang nais nating ipunto rito ay doble-perhuwisyo ang dulot ng ginawang pang-i-scam ng mga buwayang politicians sa pondo ng flood control projects, binaha na, hinuli pa ang mga driver na nagpapahupa ng baha, tsk!
XXX
MGA PINANGALANAN NOON NI CUSTOMS FIXER MARK TAGUBA NA MGA CUSTOMS OFFICIAL NA SANGKOT SA 'TARA SYSTEM' DAPAT IMBESTIGAHAN, KASUHAN AT IPAKULONG NG OMBUDSMAN — Sa Senate at House investigations noon patungkol sa illegal drugs ay may pinangalanan si Customs fixer Mark Taguba na mga Customs officials na sangkot sa "tara system" na naging dahilan kaya naipapasok ng mga sindikato ang tone-toneladang shabu.
Dapat 'yang mga Customs officials na ibinulgar noon ni Taguba na sangkot sa "tara system" ay imbestigahan ng Ombudsman saka kasuhan upang makulong.
Sa totoo lang kasi, hangga't hindi naipapakulong 'yang mga Customs officials na sangkot sa "tara system" ay hindi matitigil ang puslitan ng shabu palabas sa Customs, period!





Comments