Walang 'K' ang misis sa minanang ari-arian ng mister
- BULGAR
- Jan 6, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 6, 2023
Dear Chief Acosta,
Ikinasal kami ng aking asawa noong May 2005 at may tatlo kaming anak. Noong nakaraang taon ay pinamanahan ang aking asawa ng lupang sakahan ng kanyang namayapang lolo. Malaki ang kinikita ng lupang ito na maaari sanang makatulong sa aming mga gastusin at pangangailangan, subalit kami ay nagkaroon ng pagtatalo tungkol dito kamakailan lang. Dahil sa nangyari, ayaw na niyang ibigay ang kinikita ng minana niyang lupa sa akin upang magamit ko sana sa mga gastusin ng aming pamilya. Maaari ko bang makuha ang kinikita ng nasabing lupa para magkaroon ako ng karagdagang panggastos? - Majoy
Dear Majoy
Para sa iyong kaalaman, ang Article 75 ng Family Code of the Philippines ang batas na naaangkop sa iyong sitwasyon sapagkat ang iyong kasal ay naganap noong 2005. Ayon sa nasabing probisyon:
“Art. 75. The future spouses may, in the marriage settlements, agree upon the regime of absolute community, conjugal partnership of gains, complete separation of property, or any other regime. In the absence of a marriage settlement, or when the regime agreed upon is void, the system of absolute community of property as established in this Code shall govern.” (Binigyang-diin)
Samakatwid, ang property regime na gumagabay sa inyong mag-asawa ay ang tinatawag na absolute community of property. Ayon sa ganitong uri ng property relation, ang lahat ng ari-arian ninyong mag-asawa bago at pagkatapos ng inyong kasal ay kasali sa inyong absolute community. Nakasaad sa Article 91 ng Family Code na:
“Art. 91. Unless otherwise provided in this Chapter or in the marriage settlements, the community property shall consist of all the property owned by the spouses at the time of the celebration of the marriage or acquired thereafter.”
Kaunay nito, mayroon din namang ari-arian na hindi kasama sa nabanggit na property regime. Ito ay binanggit naman sa Article 92 na Family Code:
“Art. 92. The following shall be excluded from the community property:
(1) Property acquired during the marriage by gratuitous title by either spouse, and the fruits as well as the income thereof, if any, unless it is expressly provided by the donor, testator or grantor that they shall form part of the community property;
(2) Property for personal and exclusive use of either spouse. However, jewelry shall form part of the community property;
(3) Property acquired before the marriage by either spouse who has legitimate descendants by a former marriage, and the fruits as well as the income, if any, of such property.” (Binigyang-diin)
Sinasabi ng probisyon na ang minanang ari-arian ng isa sa mag-asawa, gayundin ang mga kaakibat na kita nito ay hindi kasama sa mga bumubuo sa kanilang absolute community. Samakatwid, ang minanang lupa ng iyong asawa at ang halagang kinikita nito ay pag-aari lamang niya. Ang nasabing kita ay hindi mo maaaring makuha o magastos nang walang pahintulot mula sa iyong asawa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments