ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | July 29, 2025
Photo: DJ Chacha - IG
Sa social media post ng radio host na si DJ Chacha kamakailan lang ay nagbahagi siya ng kanyang saloobin tungkol sa pagkakaiba ng kalagayan ng ordinaryong Pilipino at ng mga pinalad na pulitiko.
Aniya, "BATO-BATO SA LANGIT, TAMAAN MATAKAW
"Minsan, iniisip ko, sana itong matatakaw na pulitiko... maranasan rin ‘yung nararanasan ng mga ordinaryong Pilipino.
"Pasukin din sana ng baha ang mga bahay nila. Imposibleng mangyari dahil sa mga mamahaling subdivision nakatira.
"Ma-stuck din sana ng anim na oras sa gitna ng traffic habang nagugutom.
"Imposibleng mangyari dahil puwede silang hindi pumasok sa trabaho dahil hindi sila tulad ng karamihan sa atin na ‘no work, no pay.’
"‘Yung hindi ka makatulog nang maayos dahil kabado ka kung aabutin ng baha ang bahay mo o puno na ‘yung timba na sumasalo sa tulo sa bubong.
"Imposibleng mangyari dahil magagara ang tahanan nila, de-aircon ang mga malalaking kwarto kaya siguradong sleep well sa malambot nilang kama.
"Magsundo sa anak sa eskuwela sa gitna ng class suspension tapos mahirapang makauwi dahil walang masakyan. Imposibleng mangyari dahil may sariling driver ang mga anak na naka-enroll sa mamahaling eskuwelahan.
"Lahat ito random thoughts lang. Lahat imposibleng mangyari. Pero du’n pa rin ako sa kahit gaano kahirap ‘yung buhay, may Diyos naman na hindi natutulog.
"Mas masarap pa rin na ‘yung pinapakain mo sa pamilya mo at mahal mo sa buhay, pinaghirapan... hindi ninakaw sa pera ng bayan.
"Patuloy pa ring lalaban nang patas. Mangangarap na sana isang araw, ipanalo naman ni Lord ‘yung mga totoong mabubuti. ‘Yung mga taong araw-araw lumalaban nang patas sa buhay.”
Maraming netizens ang napahanga ni DJ Chacha sa kanyang random thoughts.
Nagpapasalamat pa rin si yours truly dahil may mga pulitiko na hindi matakaw at hindi pansarili lang ang gusto tulad na lang ng mga sumugod sa matinding bagyo na sina Sen. Bong Revilla, Sen. Robin Padilla, Sen. Jinggoy Estrada, Congressman Arjo Atayde, Congresswoman Lani Mercado, Congressman Jolo Revilla, Mayor Vico Sotto, at Governor Vilma Santos.
Kaya raw todo-payo sa anak… DINGDONG, AYAW MATULAD SI JAYDA SA KANILA NI JESSA
Nagpakatotoo si Dingdong Avanzado tungkol sa insecurities niya bilang ama at mga pangamba niya sa pagpasok ng anak na si Jayda sa showbiz sa latest episode ng Jeepney TV hostless talk show na Stars on Stars.
Sa nakakaantig na episode, inamin ni Dingdong na minsan ay naiisip niya kung pinahahalagahan ba ni Jayda ang mga sakripisyo na ginawa niya para sa anak.
Nabanggit niya rin na kahit kritikal pakinggan ang mga payo niya para kay Jayda ay nanggagaling ito sa lugar na puno ng pagmamahal.
“Minsan, hindi ko alam kung na-appreciate mo what I do for you… I don’t say those things to put you down—I say them because I want you to be better,” emosyonal na pahayag ni Dingdong.
Ibinahagi rin niya ang pagnanais nila ng asawang si Jessa Zaragoza na protektahan si Jayda mula sa magulong mundo ng showbiz.
“Ang industriyang ito ay industriya ng walang katapusang pagpapatunay ng sarili mo. You always have to outdo your last performance. We wanted to spare you from that,” saad niya.
Subalit tinanggap din nila ang kagustuhan ng anak na ipamalas ang talento sa musika at pag-arte. Sabi ni Dingdong, “‘Yan ang ibinigay sa ‘yo ng Panginoon. And who are we to stop you from using your gifts?”
Naging emosyonal din si Jayda sa usapan nila at sinabing isinasapuso at isip niya ang bawat payo ng kanyang mga magulang.
“I do appreciate it—lalo na ‘yung wisdom ninyo. I know it comes from a deep place, from the struggles you and mom went through. Ayaw n’yong maulit ko ‘yung mga pagkakamali n’yo,” sagot niya.
Tinanong din ni Jayda si Dingdong kung paano ito nagko-cope kapag nakikita niyang heartbroken siya.
Sabi ng singer-actress, “Was there ever a point during my heartbreak where your heart broke too?”
“Every time your heart breaks, my heart breaks,” sagot ni Dingdong. “Hindi mo man sinasabi lahat, pero alam ko—because I know how you love.”