ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 22, 2023
Dear Chief Acosta,
Isa nang senior citizen ang aking tiyuhin at wala na siyang kakayahan na magtrabaho.
Sapat lamang ang aking kinikita para sa gastusin ng aking pamilya, kaya hindi ko rin kayang suportahan ang ibang pangangailangan ng aking tiyuhin. Dahil dito, nais ko sanang malaman kung may batas ba na maaari kong mapagbasehan kung ang ating gobyerno ay may maibibigay na tulong pinansyal para sa aking tiyuhin. Maraming salamat. - Maty
Dear Maty,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 1 at Seksyon 2 ng Republic Act (R.A.) No. 7432, na inamyendahan ng R.A. No. 11916, na mas kilala bilang “Expanded Senior Citizens Act”, kung saan nakasaad na:
“Section 2. Definition of Terms. — For purposes of this Act, these terms are defined as follows: xxx
(j) Social Pension refers to the monetary grant from the government to support the daily subsistence and medical needs of senior citizens which shall not be less than One thousand pesos (P1,000.00) per month. xxx
Section 5. Government Assistance. — The government shall provide the following: x x x
(h) Additional Government Assistance
(1) Mandatory Social Pension
Indigent senior citizens shall be entitled to a monthly stipend amounting to not less than One thousand pesos (P1,000.00) to augment the daily subsistence and other medical needs of senior citizens. x x x”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, tayo ay may tinatawag na social pension kung saan ang ating gobyerno ay naglalaan ng monetary grant sa mga senior citizens na maaaring sumuporta sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan o sa gastusing medikal. Ang halaga ng nasabing social pension ay hindi bababa sa P1,000.00 na ibibigay sa mga senior citizen kada buwan. Kung kaya, sa iyong nabanggit na sitwasyon, ang iyong tiyuhin na isa nang senior citizen ay maaaring makakuha ng social pension na hindi bababa sa P1,000.00 kada buwan bilang tulong sa kanyang gastusin sa araw-araw o medikal na pangangailangan. Isa ito sa mga tulong na inilahad sa nasabing batas para sa ating mga senior citizens.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.