Walang double jeopardy kapag na-dismiss ang kaso sa prosecutor
- BULGAR

- Apr 7
- 2 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 7, 2026

Dear Chief Acosta,
Kailan ba talaga nagkakaroon ng double jeopardy? Maaari pa bang maisampa muli ang isang kasong na-dismiss na ng piskal matapos ang preliminary investigation, o maaari na pong malabag ang sinasabing prohibisyon sa double jeopardy? Maraming salamat po sa inyong paglilinaw, Chief Acosta. – Zeeta
Dear Zeeta,
Ang sagot sa iyong katanungan ay maaaring matagpuan sa kaugnay na kaso ng Korte Suprema. Para sa iyong kaalaman, maaari pang maisampa muli ang kaso kapag ang dismissal ay naganap pa lamang sa antas ng prosekyutor o sa yugto ng preliminary investigation.
Sa ilalim ng umiiral na batas at mga kasong napagdesisyunan ng Korte Suprema, ang preliminary investigation ay hindi bahagi ng paglilitis (trial). Dahil dito, ang desisyon ng piskal na i-dismiss ang reklamo ay hindi pa itinuturing na “jeopardy” na magbabawal sa muling pagsasampa ng kaso.
Ito ay malinaw na ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong Flores vs. Montemayor (G.R. No. 170146, ika-08 ng Hunyo 2011, isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Martin S. Villarama, Jr.), kung saan itinakda ng Kataas-taasang Hukuman ang mga rekisito upang mag-attach ang double jeopardy:
“Double jeopardy attaches only (1) upon a valid indictment, (2) before a competent court, (3) after arraignment, (4) when a valid plea has been entered, and (5) when the defendant was convicted or acquitted, or the case was dismissed or otherwise terminated without the express consent of the accused.
We have held that none of these requisites applies where only a preliminary investigation was conducted. The dismissal of a case during preliminary investigation does not constitute double jeopardy, preliminary investigation not being part of the trial.”
Mula rito, malinaw na nagkakaroon lamang ng tinatawag na double jeopardy kapag ang kaso ay nasa hukuman na, may wastong sakdal, may arraignment, at ang akusado ay nakapagsumite na ng sagot sa paratang (plea). Kung ang kaso ay na-dismiss pa lamang sa antas ng prosekyutor, wala pa sa mga rekisitong ito ang natutupad.
Samakatuwid, ang dismissal ng reklamo sa preliminary investigation ay hindi hadlang sa muling pagsasampa ng kaso, lalo na kung may bagong ebidensya, may malubhang pagmamalabis ng diskresyon, o may sapat na batayan upang muling suriin ang reklamo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments