top of page

Walang dagdag-sahod kung ang Linggo ay hindi rest day ng empleyado

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 8 hours ago
  • 2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 13, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta, 


Ako ay nagmamay-ari ng isang maliit na kainan dito sa Bulacan. Ang amin pong kainan ay nagsasara tuwing Lunes, na siya ring pahinga o day-off ng mga empleyado. Ngunit may isa akong empleyado na humihingi ng dagdag-bayad dahil sila diumano ay pumapasok tuwing Linggo. Dapat ba akong magbigay sa kanya ng karagdagang bayad dahil sa pagpasok niya ng Linggo? — Cyre





Dear Cyre,


Upang masagot ang iyong katanungan, alamin muna natin ang konsepto ng tinatawag na rest day na nakasaad sa Article 91 ng Labor Code. Ayon sa nasabing artikulo, ang bawat employer ay may obligasyon na magbigay ng 24 oras ng tuloy-tuloy na pahinga, pagkatapos na ang isang empleyado ay nakapagtrabaho ng anim na sunod-sunod na araw: 


“ART. 91. Right to Weekly Rest Day. – (a) It shall be the duty of every employer, whether operating for profit or not, to provide each of his employees a rest period of not less than twenty-four (24) consecutive hours after every six (6) consecutive normal work days.”


Dahil dito, maliwanag na ang isang empleyado ay dapat mayroong tinatawag na rest day. Ang tanong ngayon ay paano kung ang isang empleyado ay pinagtrabaho sa kanyang rest day? Kailangang siya ay tumanggap ng karagdagang bayad o tinawatag na premium pay, sang-ayon sa Article 93 ng Labor Code: 


“ART. 93. Compensation for Rest Day, Sunday or Holiday Work. – (a) Where an employee is made or permitted to work on his scheduled rest day, he shall be paid an additional compensation of at least thirty percent (30%) of his regular wage. An employee shall be entitled to such additional compensation for work performed on Sunday only when it is his established rest day.”


Maliwanag sa nasabing artikulo na ang isang empleyado na nagtrabaho sa kanyang rest day ay kailangang tumanggap ng karagdagang bayad na katumbas ng 30% ng kaniyang arawang kita. 


Nguni’t ang isang empleyado na nagtrabaho sa araw ng Linggo ay hindi awtomatikong makakatanggap ng karagdagang bayad, maliban na kung ang nasabing araw ay ang nakatalagang araw ng kanyang pahinga. Samakatuwid, kung iba ang araw na nakatalagang pahinga ng isang empleyado, kahit na siya ay pumapasok sa araw ng Linggo, hindi siya makakatanggap ng karagdagang bayad. 


Sa iyong sitwasyon, hindi mo obligasyon ang pagbibigay ng karagdagang bayad sa iyong empleyado kahit na siya ay pumapasok sa araw ng Linggo, lalo na kung may ibang araw naman na nakatalaga para sa kanyang pahinga. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page