Wala raw bahid ng pulitika ang pakikipagkita kay Mayor Leni, pero nagpakita naman si PBBM ng pink na medyas
- BULGAR

- 3 hours ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 22, 2026

SABI NI PBBM, WALA RAW BAHID-PULITIKA ANG PAGTUNGO NIYA SA NAGA CITY, PERO NAGPAKITA NAMAN SIYA NG PINK NA MEDYAS – Nang magtungo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa Naga City at makaharap si Mayor at dating Bise Presidente Leni Robredo, iginiit ng Pangulo na wala umanong bahid ng pulitika ang kanyang pagbisita sa lungsod.
Gayunman, matapos ang naturang pahayag ay ipinakita niya sa publiko ang kanyang pink na medyas.
Kung wala ngang kaugnayan sa pulitika ang pagpunta niya sa Naga, bakit kailangang ipakita ang kulay na matagal nang iniuugnay kay Robredo? Para sa ilan, malinaw itong senyales na nagsisimula na ang maagang pagpoposisyon para sa 2028 presidential election—isang galaw na tila paglalatag ng alyansa o panliligaw kay Robredo bilang posibleng katapat ni Vice President Sara Duterte. Boom!
XXX
'SUNTOK SA BUWAN' MAKAKUHA PA NG 31M VOTES SI VP SARA SA PRESIDENTIAL ELECTION KASI 'HIWALAY' NA SILA NI PBBM – Kung makukumbinse ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) si Mayor Leni Robredo na maging presidential candidate ng administrasyon, posibleng mahirapan si Vice President Sara Duterte sa 2028 presidential election.
Batay sa resulta ng mga nakaraang halalan, makikita ang galaw ng boto. Noong 2016, nakakuha si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng 15.970 milyong boto sa pagkapangulo. Sa pagka-bise presidente naman, nakakuha si Robredo ng 14.023 milyon, habang si Marcos ay may 13.803 milyon.
Pagsapit ng 2022, nang magsanib ang puwersa ng Marcos at Duterte camps, umabot sa 31.104 milyong boto si Marcos sa pagkapangulo, habang si Sara Duterte ay nakakuha ng 31.561 milyon sa pagka-bise presidente. Kung susumahin ang boto nina Duterte noong 2016 (15.970 milyon) at Marcos (13.803 milyon), aabot ito sa humigit-kumulang 29.773 milyon—malapit sa 30 milyong baseline na malinaw na naging pundasyon ng kanilang panalo noong 2022, bukod pa sa mga nadagdag na bagong botante.
Samantala, si Robredo ay nakakuha ng 14.822 milyong boto noong 2022 presidential race—bahagyang mas mataas kumpara sa kanyang 14.023 milyon noong 2016.
Kung pagbabatayan ang mga numerong ito, magiging hamon para kay VP Sara na maabot muli ang higit 31 milyong boto kung hiwalay na ang puwersa nila ni PBBM sa 2028. Kung, halimbawa, maidadagdag ang 13.803 milyong boto ni Marcos noong 2016 sa 14.822 milyong boto ni Robredo noong 2022, aabot ito sa 28.625 milyon—isang matibay na panimulang bilang, lalo na kung susuportahan pa ng iba pang malalaking pangalan at alyansa.
Sa pulitika, mahalaga ang kombinasyon ng solidong base at estratehikong koalisyon. Kung magkakaroon ng realignment ng puwersa bago ang 2028, tiyak na mag-iiba ang timbangan sa pampanguluhang laban. Period!
XXX
KUNG NAIS NI VP SARA MAGING PRESIDENTE, KUMBINSIHIN NIYA SI MAYOR LENI NA ‘WAG SIYANG LABANAN SA PRESIDENTIAL ELECTION – Kung nais ni VP Sara na maging presidente, dapat kapag na-monitor niyang kinukumbinse ni PBBM si Mayor Leni na kumandidatong pangulo, kumbinsihin din niya ang mayora ng Naga City na huwag nang tumakbo.
Kapag napapayag niya itong huwag siyang labanan, siguradong panalo si VP Sara sa 2028 presidential election. Boom!
XXX
KAILAN KAYA IMI-'MEOW-MEOW' NI CONG. KIKO ANG ERMAT NIYANG SI MAYOR JENNY BARZAGA PARA MAPA-STOP ANG MGA RAKET SA DASMARIÑAS CITY? – May raket na color games at drop balls sina alyas "Jessica" at alyas "Emily" sa Brgy. Paliparan 1 at Brgy. Paliparan 2 sa Dasmariñas City, Cavite.
Kailan daw kaya iimbitahan ni suspended Cavite 4th District Cong. Kiko Barzaga ang kanyang ermat, Mayor Jenny Barzaga, para mapahinto ang mga ilegal na laro? Abangan!




Comments