'Wag taas-sahod — Gatchalian... P1,500 ayuda kada buwan
- BULGAR

- Apr 2
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | April 2, 2026

Photo: Win Gatchalian / FB
Inirekomenda ni Sen. Sherwin Gatchalian na magbigay ng P1,500 buwanang ayuda para sa minimum wage earners na apektado ng pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang bilihin, lalo na sa gitna ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Gatchalian, chair ng PROTECT (Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy) committee, base sa kanyang paunang ulat na ang krisis sa Gitnang Silangan ay nagdudulot ng pagbaba ng purchasing power ng mga manggagawa, dahil mas mabilis tumaas ang presyo ng mga bilihin kaysa sa sahod.
Dahil dito, nakikita ni Gatchalian ang paglikha ng isang targeted monthly cash relief program na magbibigay ng P1,500 buwanang ayuda sa limang milyong minimum wage earners bilang isang short-term solution.
Sinabi ni Gatchalian na ito ang dapat na seryosong ikonsidera sa halip na magpatupad ng across-the-board wage increase, na maaaring magdulot ng dagdag na pasanin sa mga kumpanyang nahihirapan na sa gitna ng krisis.
Tinatayang gagastos ang pamahalaan sa ilalim ng panukalang programa ng humigit-kumulang P7.5 bilyon kada buwan.
Nauna nang tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) sa publiko na may nakalaang contingent funds sakaling hilingin ng Department of Labor and Employment (DOLE) na palawigin ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga minimum wage earners na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.




Comments